REP. TULFO AT ACT-CIS NAG-DONATE SA ANGAT BUHAY NI DATING VP ROBREDO NG KAHON-KAHONG GAMOT PARA SA LEPTOSPIROSIS

AABOT sa 50 boxes o 5,000 kapsula ng Doxycycline na gamot sa leptospirosis ang ipinamahagi kahapon (Oct. 30) ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS party-list sa Angat Buhay Foundation ni dating Vice Pres. Leni Robredo.

Ang naturang gamot ay para maipakalat sa mga biktima ng Bagyong Kristine sa Bicol region.

Sa pahayag, sinabi ni Tulfo na karamihan sa natatanggap nilang tawag ay ang problema sa leptospirosis dahil nakababad ang mga residente sa baha particular sa Bicol region.

“Karamihan po nang tumatawag sa atin at nagre-report sa social media ay may problema sa leptospirosis kaya agad po kaming gumawa ng paraan para makakalap ng mga gamot para dito,” ani Tulfo.

Dagdag naman ni ACT-CIS Cong. Edvic Yap, “hindi po kami mananawa na tumulong hanggat may nangangailangan ng ayuda…tutulong po ang ACT-CIS”. “Malawak po ang bagyong ito kaya pati po sa northern Luzon ay tinutulungan din po namin,” ayon naman sa kasama nito sa ACT-CIS na si Cong. Jocelyn Tulfo.

Matatandaan na aabot din sa 2,000 sako ng bigas at P1 milyon ang ipinamahagi nitong Oktubre 24 ni Rep. Tulfo at ACT-CIS party-list galing sa kanilang mga personal na pondo para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine.

“Ito po yung konting ambag naming ng ACT-CIS tsaka ng Erwin Tulfo Action Center para sa mga kababayan natin po na binaha, binagyo po para makatulong po sa mga kababayan natin,” ani Tulfo sa pahayag.

Nakipag-unayan din ang opisina ni Tulfo at ACT-CIS party-list sa tanggapan naman ng Angat Buhay Foundation ni dating VP Robredo para sa karagdagang 500 sako ng bigas.

Aabot din sa 500 sako pa ng bigas ang ipakakalat naman sa bayan ng Iriga at iba pang bayan sa Bicol region na grabeng nasalanta ng bagyo.

Nagpadala na rin si Rep. Tulfo ng P50,000 cash para naman sa mga biktima ng bagyo sa San Guillermo Parish sa Talisay, Batangas.

Iginiit ni Tulfo na tuloy-tuloy ang pagtulong ng ACT-CIS party-list at Erwin Tulfo Action Center sa mga nasalanta ng bagyo.

“Ngayon naman ay nakatutok tayo sa posibleng tatamaan ng Bagyong Leon na posible ring makaapekto sa ating mga kababayan. Kaya tuloy lang ang monitoring natin para agad tayong makapagpadala ng mga ayuda sa mga nangangailangan nating mga kababayan,” ayon sa Kongresista.

30

Related posts

Leave a Comment