SINITA SA TRAFFIC VIOLATION; CHINESE TIMBOG SA DALANG DROGA

ARESTADO ang isang Chinese national dahil sa dalang ilegal na droga nang sitahin ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau dahil sa traffic violation sa Maynila nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Pablo Misador Chu, nasa hustong gulang, naninirahan sa Nobel Place sa Binondo, Manila.

Bukod sa number coding, nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pagdadala ng shabu.

Posible ring makasuhan ang suspek ng attempted homicide dahil sa pagbangga niya sa dalawang tauhan ng MTPB na humarang sa Toyota Fortuner ng Chinese national.

Batay sa ulat ni P/ Insp. Rex Bartolome, chief investigator ng Manila District Traffic Enforcement Unit, bandang alas-8:45 ng umaga, habang abala ang ilang traffic enforcer sa tapat ng Lucky Chinatown sa Reina Regente St. sa Binondo nang mamataan nila ang puting kotse ng suspek may plakang NBT-7767.

Agad nila itong pinapara ngunit imbes na huminto ay biglang pinaharurot ang sasakyan.

Mabilis namang sumakay sa kani-kanilang motorsiklo ang dalawang tauhan ng MTPB hanggang sa umabot sa panulukan ng Jose Abad Santos Avenue at Tayuman St. sa Tondo at dito nila hinarang ang sasakyan ng dayuhan.

Inakala ng dalawa na bubuksan ng suspek ang bintana ng kotse ngunit ngunit bigla itong humarurot at binangga ang dalawang motorsiklo ng mga traffic enforcer.

Naispatan naman ng ilang mga tauhan ng MPD- Station 2 ang komosyon kaya tinutukan nila ng baril ang suspek.

Nang siyasatin ang loob ng sasakyan, tumambad ang ilang piraso ng hinihinalang shabu na nakalagay sa plastic sachet.

Kasama ng suspek ang isang Pinay na posibleng lover nito.

“Bangag na bangag sa droga ‘yung suspek, kaya sa takot na mahuli, nagawa nitong tumakas,” ayon kay P/Lt. Bartolome. (RENE CRISOSTOMO)

 

202

Related posts

Leave a Comment