SA hindi inaasahang pagkakataon, sumulpot sa Batasan Pambansa si Vice President Sara Duterte bilang moral support sa amang si dating pangulong Rodrigo Duterte habang isinasalang sa Quad Committee investigation kaugnay ng extra-judicial killings (EJK).
Mag-alas-singko na ng hapon nang dumating ang panganay na anak ni Duterte sa Quad Comm investigation na nagsimula alas-onse ng umaga at agad nagtungo sa committee room at hindi nagbigay ng statement sa mga kagawad na media.
Tila hindi naman ito nagustuhan ni House deputy minority leader France Castro dahil kapag ipinatawag ito ng House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga sa kanyang confidential funds ay hindi ito sumisipot.
Samantala, tila bata at pabirong inambahan ni Duterte ng suntok si dating Sen. Leila de Lima na kanyang katabi sa committee room.
Ginawa ng dating pangulo ang pag-amba na naging dahilan ng tawanan sa loob ng committee room nang akusahan ito ni De Lima na nagsisinungaling.
Una rito, sinabi ni Duterte sa interpelasyon nina Batangas Rep. Jinky Luistro at 1Rider party-list Rep. Rodrigo Ramon Gutierrez na hindi nito kilala ang dating chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) na nag-imbestiga sa Davao Death Squad (DDS).
“Nagtaka po ako dun. He’s lying when he said he does not know Leila de Lima,” ayon sa dating Senadora gayung noong nag-imbestiga aniya ito sa DDS killings ay ang dating mayor ng Davao City ang unang resource person. (BERNARD TAGUINOD)
94