WAG GAMITIN SA PULITIKA TULONG NG GOBYERNO – TINGOG

NAIS maparusahan ni Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez ang kapitan ng barangay sa Catubig, Northern Samar na viral ngayon sa social media matapos mahuli sa video na pinupunit ang certificate of indigency sa harapan ng nanay ng dalawang estudyante.

Nabatid na magpapapirma sana ng certificate of indigency para makakuha ng tulong pinansyal sa Tingog party-list ang nanay ng dalawang estudyante sa kapitan ng barangay na si Carlo Robes, ng Barangay 5, Poblacion, Catubig, Northern Samar, pero sa halip na pirmahan ay pinunit niya ito dahil iba umano ang sinuportahan ng pamilya ng naturang estudyante noong nakaraang halalan.

Lingid sa kaalaman ng kapitan ay nakuhanan ng video ang kanyang ginawa at ngayon ay viral na sa social media at tumanggap ng pagbatikos sa netizens.

Dahil dito, agad nakipag-ugnayan si Rep. Romualdez sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para maaksyunan ang pambabastos ng naturang kapitan ng barangay.

“Hindi tama na ang pagbigay ng tulong ay ginagamit sa pulitika. Dapat ay walang pinipili ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan,” ayon sa pahayag ni Romualdez.

Kasabay nito, agad na ring pinahanap ng mambabatas ang dalawang estudyante sa Catubig para sila na mismo ang personal na magbigay ng tulong sa mga ito.

“Ipinahanap na po natin sila para tayo na mismo ang magbigay ng tulong sa dalawang estudyante,” dagdag ni Romualdez.

Ipinauubaya naman ni Romualdez sa DILG kung ano ang pwedeng ipataw na parusa sa naturang opisyal ng barangay.

177

Related posts

Leave a Comment