YASAY LAYA NA SA P60-K PIYANSA

(NI JULIE DUIGAN/PHOTO BY JHAY JALBUNA)

DAHIL sa inilagak na P60,000 piyansa sa pansamantalang paglaya ni dating Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay Jr., pinayagan ng  hukuman na makalaya sa  kinakaharap na mga kasong paglabag sa banking laws.

Inatasan ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 10 Hon. Judge Danilo Leyva si P/Lt. Glenzor Vallejo, hepe ng Manila Police District (MPD)-Warrant and Subpoena Section, na palayain si Yasay matapos na makapaglagak ng piyansa, Biyernes ng umaga.

Nauna rito, si Yasay, 72, ay inaresto ng mga pulis dakong alas-3:00 ng hapon nitong Huwebes sa kanyang tahanan sa Unit 4905 Milano Residences, Century City Road, Barangay Poblacion, Makati City.

Sa Manila Doctor’s Hospital naman kinailangang magpalipas ng magdamag ni Yasay nang dumaing ng pananakit ng dibdib, ilang oras matapos itong arestuhin ng mga awtoridad.

Pinayagan rin naman si Yasay ng mga doktor na makalabas ng pagamutan ganap alas-8:00 ng umaga upang dumalo sa kanyang bail hearing, ngunit kinailangan din nitong bumalik sa pagamutan ng 11:00 ng umaga para sa karagdagan pang medical tests na kanyang pagdaraanan.

Sinasabing may kinalaman ang pag-aresto sa kinakaharap nitong mga kasong paglabag sa Republic Acts 8791 at 7653 o General Banking Law at  New Central Bank Act,  matapos na akusahang sangkot sa umano’y maanomalyang P350 milyong loan mula sa Banco Filipino Savings and Mortgages Bank, na naganap umano sa pagitan ng taong 2003 hanggang 2006.

Nilinaw naman ni Yasay, na hindi siya dapat napasama sa kaso dahil taong 2009 lamang siya nang mapasok sa naturang banko.

Napaulat din na bago inaresto si Yasay ay nagtungo sa MPD headquarters si Atty. Jonn Irvin Velasquez, na umano’y kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas, dakong 11:00 ng umaga at humingi ng police assistance para sa implementasyon ng warrant of arrest.

Ayon kay Yasay, sa edad na 72 at bilang survivor ng dalawang cancer, mahirap para sa kanya ang makulong lalo na’t inosente siya at biktima lamang ng pag-abuso sa proseso.

141

Related posts

Leave a Comment