Mga anak asiwa sa bodyguards ATTY. LIZA TRABAHO MUNA NG FIRST LADY AATUPAGIN – PBBM

(FERNAN ANGELES)
SA nalalapit na panunumpa ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa, kanya-kanyang diskarte ang maybahay at mga anak ng susunod na punong ehekutibo bilang sakripisyo sa pagiging bahagi ng First Family.
Pagtatapat ni Marcos Jr. sa kanyang YouTube channel, nasa “transition process” pa ang kanyang pamilya, kasabay ng giit na hindi madali para sa kanyang asawang abogada – Atty. Liza Araneta-Marcos – na iwanan ang M & Associates, isang law firm na itinaguyod mismo ng bagong Unang Ginang ng bansa.
“Malungkot, dahil ito’y alam ko, nakita ko, pinaghirapan niya… talagang ibinuhos niya ang kanyang sipag dito, ang kaniyang galing dito. From nothing, nagkaroon ng isang magandang law firm, ngunit wala tayong magagawa dahil siya ay magiging First Lady at kailangan niyang bitawan ang kanyang interes doon sa kanyang law firm,” sambit ni Marcos Jr. sa kanyang video.
Bukod kay Mrs. Marcos, aminado rin ang susunod na Pangulo na hindi komportable ang kanyang mga anak na sina Sandro, Simon at Vinny na aniya’y nakakaradam ng pagka-asiwa sa pagkakaroon ng mga security details.
“Iyong dalawa ko pang anak, dahan-dahang nasasanay dahil marami silang bigla na security. Panay nga reklamo. Pero wala tayong magagawa, ganun talaga ‘pag ikaw ay naging anak ng presidente,” dagdag pa ni Marcos Jr.
Gayunpaman, wala naman aniya siyang magagawa dahil kalakip ng kanyang pagiging Pangulo ang obligasyong magdivest ng interes sa mga negosyo at bumitiw ang kanyang miyembro ng pamilya sa lahat ng mga bagay na ipinagbabawal hangga’t siya’y nasa pwesto – kabilang ang pagkakaroon ng controlling stakes sa mga pribadong kumpanya.
Pagtitiyak naman ni Marcos Jr., personal niyang kinausap ang kanyang asawa at mga anak hinggil sa marami pang sakripisyong kalakip ng pagiging miyembro ng First Family.
Samantala, naghahanda na rin sa susuunging karera bilang kongresista sa Kamara si Congressman-Elect Sandro Marcos na tatayong kinatawan ng isang distrito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Pinasalamatan rin ni Marcos Jr. ang kanyang papalitan sa pwesto – si outgoing President Rodrigo Duterte para sa aniya’y kontribusyon nito sa nakalipas na anim na taon. Hindi rin aniya mawawaglit sa kanyang isipan ang ibinuhos na suporta ng mismo ama ng kanyang katambal sa pulitika.
“Pinasalamatan ko siya dahil kahit papa’no, sinuportahan kami ni Inday Sara, pati ako. Tiniyak ko sa kanya na ‘yung mga proyekto niya na nakabuti sa ating bansa ay ipagpapatuloy ko,” pagtatapos ni Marcos Jr.
258

Related posts

Leave a Comment