HINDI na ako magtataka kung mas gusto ng mga tao na sumakay sa mga asian utility vehicle (AUV) kesa mga taxi dahil maraming bulok na taxi na namamasada at pakiramdam ng mga tao ay naiisahan sila.
Ngayong panahon ng pandemya, medyo delikado ang sumakay sa mga AUV dahil marami kayong pasahero kumpara sa taxi na solo mo kaya marami ang pumipili ng taxi para sa kanilang personal na kaligtasan.
Mura din ang AUV kumpara sa taxi na pagsakay mo pa lang ay magbabayad ka ng P40 at kapag medyo hindi honest ang driver at gustong kumita agad ay ang bilis ng metro.
Pero marami pa rin ang sumasakay talaga sa taxi dahil nga sa pandemya pero karamihan sa kanila ay nadidismaya dahil marami sa mga ipinapasadang unit ay mga bulok.
Hindi naman siguro lahat lalo na ‘yung mga may pangalan at alaga ang mga unit, pero marami ang nagkalat sa lansangan na hindi na dapat bumiyahe pero binabiyahe pa rin.
Kung titingnan mo ang body ng taxi na paparahin mo o ‘yung nakapila sa mga taxi stand, unang aakalain mo na maganda pa pero pagpasok mo, madidismaya ka na dahil bukod sa hindi kagandahan ang amoy, bulok na ang kalooban.
Marami ang hindi gumagana ang aircon kaya may mini-electric fan sa loob para hindi mainitan ang pasahero at kung gumana man ang aircon ay mainit ang ibinubugang hangin kaya mapipilitan kang buksan na lang ang bintana para hindi ka ma-suffocate.
Kapag tinanong mo ang driver bakit walang aircon, sasabihin sa iyo na walang maintenance dahil mahal ang magpagawa at matagal nang walang kita dahil sa pandemya.
Gusto mo mang magpalit ng taxi, hindi na puwede dahil magagalit ang driver at pinagbabayad ka na pag-upo mo pa lamang o kaya nagmamakaawa sayo si mamang tsuper na wala pa siyang pasahero.
Parang naiisahan at nagugulangan dito ang mga pasahero dahil nagbabayad sila nang tama pero ang serbisyo na binabayaran nila ay hindi kumpleto. Nasaan ang consumer rights advocates?
Kapag bumibili tayo ng mga bagay, meron tayong karapatang bilang mga consumers na ibalik ang produkto kapag dispalinghado pero pagdating sa transportasyon lalo na ‘yung mga bulok na taxi, walang proteksyon ang mga pasahero.
Anong ahensya ba ang dapat tumutok nito? Ang Land Transportation Office (LTO) dahil sila ang nakakasakop sa sektor ng transportasyon?
Bakit ipinaparehistro pa ang mga sasakyan na bulok?
Hindi ba dapat tiyakin din ng LTO na maayos ang mga unit ng mga pumapasadang taxi tulad ng ginagawa nila sa mga pribadong sasakyan na napakaraming check-up ang ginagawa bago irehistro muli?
Nauunawaan natin na kailangang maghanapbuhay ang taxi drivers pero dapat ding patas sila sa mga pasahero. Nagbabayad ang mga pasahero nila nang tama kaya dapat din na tamang serbisyo ang ibibigay nila.
Hindi lang ang karapatan ng transport sector ang dapat ipaglaban kundi ang karapatan din ng mga pasahero. Hindi dapat one-sided ang batas at kailangan ding alagaan ng transport group ang masang pasahero dahil d’yan sila nabubuhay.
224 