MGA KAALYADO NI VP SARA ‘KUMAMPI’ KAY ROMUALDEZ

MISTULANG wala nang balakid na muling maging Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez dahil maging ang mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte ay sumuporta sa kanyang Speakership bid.

Sa zoom press conference kahapon, sinabi ni Iloilo Rep. Janette Garin na umaabot na sa 291 congressmen ang lumagda para suportahan ang Speakership ni Romualdez hanggang noong Miyerkoles.

Ayon sa mambabatas, kabilang sa 291 na ito sina dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na kilalang kaalyado ni Duterte, Davao Occidental Rep. Claude Bautista na dating campaign manager ng Bise Presidente.

Kasama rin umano sa pumirma sa manifesto ang kinatawan ng Malasakit party-list na ayon kay Garin ay party-list ni Sen. Christopher “Bong” Go na nagsilbing special assistant ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi na rin umano ituturing na kandidato sa Speakership si Bacolod Rep. Albee Benitez dahil ang anak nito na si Negros Occidental Rep. Javi Benitez ay kabilang sa 291 congressmen na nagsusulong na iluklok muli si Romualdez bilang lider ng Kamara sa 20th Congress.

Dahil dito, sinabi ni Garin na nakasisiguro na si Romualdez na muling maluklok bilang Speaker sa 20th Congress subalit kailangan pa rin itong iboto sa plenaryo ng Kamara sa Lunes, bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Base naman sa listahan na inilabas ni Garin, hindi signatory sa manifesto of support sina Rep. Albee, Cebu Rep. Duke Frasco, Navotas Rep. Toby Tiangco at Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte.

Ang mga nabanggit ay isa sa mga unang lumutang na kandidato sa Speakership na posibleng makalaban ni Romualdez sa pinakamataas na posisyon sa Kamara na may power of the purse at magsisimula ng impeachment case laban sa mga impeachable official tulad ng presidente, bise presidente, Supreme Court justices, Ombudsman at mga Constitutional Commissions tulad ng Commission on Elections (Comelec) officials, Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC). (BERNARD TAGUINOD)

31

Related posts

Leave a Comment