PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
‘YANG mga mambabatas, bayan nga ba talaga ang kanilang kinakatawan, pinaglilingkuran at ipinakikipaglaban?
Kung ang inyong abang lingkod ang tatanungin, gawing isang uri ng treason o pagtataksil sa bayan ang agricultural sabotage, kasi po, hindi lang ang publiko ang pinahihirapan kundi lahat, lalo na ang mahihirap nating magsasaka, mangingisda at mga producer ng pagkaing karne at katulad na produkto.
Sa mapatutunayang mga gumawa ng krimeng ito, bukod sa perpetual life sentence o habambuhay na pagkakulong, dapat na pagbayarin ng hindi bababa sa P100 milyon o katumbas ng halaga ng smuggled agricultural products.
Kung kasangkot ang isang taong gobyerno, alisan siya ng karapatang bumoto, alisan ng karapatang mahalal o humawak kahit posisyong janitor sa pamahalaan, at dapat na kumpiskahin ang salapi o property na nakamal sa masamang gawaing ito.
Ganoon din ang mapatutunayang kasangkot o nagkasala na isang korporasyon o juridical person, dapat na ilapat sa mga opisyal ang lahat ng mabibigat na pananagutang kriminal at sibil, ayon sa batas.
Kailangan ng isang batas na magpoprotekta sa ating magsasaka at mangingisda at tagaprodyus ng pagkain, at magagawa ito kung madaling kikilos ang ating mga senador at congressman, pakiusap: ‘wag na kayong magpatumpik-tumpik pa.
Ngayon kailangan ang mabilis na aksyon, bigyan natin ng mabisang armas ang ating lider, pagsuutin natin siya ng kamay na bakal, bigyan natin siya ng malaki at matibay na lambat na huhuli sa mga mananabotahe sa ekonomiya ng bansa.
Dapat ang batas na ito ay isang bitag at matibay na lambat na ‘pag nadakma ang mga tiwaling saboteurs, wala silang ligtas, wala silang malulusutang butas ng batas.
Ang ating inaasahang resulta kung may ganitong batas: maibaba at magiging accessible sa lahat, lalo na sa sektor ng mahihirap ang pagkain at matitiyak ang noon ay ipinangakong national food security ng kasalukuyang administrasyon.
***
Sa kabila ng sinasabing napakaraming reporma, pagbalasa at pagpapasa ng mga batas na may ipinapataw na napakabigat na parusa, hindi pa rin nababawasan, lalo pa yatang tumitindi at yumayabong ang graft and corruption?
Alam na natin ang sagot dito: Dahil ang mga taong nagpapatupad ng reporma, kundi inutil ay protektor o namumuno sa katiwalian.
At bakit nila ginagawa ito: Iisa rin lamang ang maaaring isipin, sila ay nakikinabang sa umiiral na graft and corruption. Kahit alam nila na mahalay na pakinabang ang natatanggap nila mula sa katiwaliang ito, ang umiiral ay kasakiman sa salapi at impluwensiya.
Kulang sa tapang ang mga opisyal ng pamahalaan na kalabanin ang kabulukan at walang puknat na pagsisinungaling at pagtatakip sa kasamaan dahil umiiral ang matinding inggit at panghihinayang — na kung iiwan nila ang pagtangkilik sa tiwaling pakinabang, sila ay parang nalulugi at mamamatay sa inggit sa mga kasamang sasalo sa pagtatamasa ng bawal na bunga ng katiwalian.
Mga halimbawa repapits, ang mga kongresista na paulit-ulit na nahahalal at nanalo sa eleksyon, ‘di po ba? Sa mga tinanggap at tinatanggap nilang pork barrel na ang terminolohiya o tawag ngayon ay “line-item appropriations” o “budgetary allocation” or “fund insertions” (huwag na ang suweldo), mga perk at iba pang benepisyo, aabot marahil ‘yon sa trilyong piso.
May nakita bang pakinabang para sa sambayanan ang salaping patuloy na itinutustos ng Sambayanang Pilipino sa mga kongresistang ito na sa buwisit ng mga tao ay nagkakasya na lamang sa pagtudyo at paglibak sa pagtawag sa kanila na mga ‘Mambubutas’.
Ang bayan nga ba talaga ang kanilang kinakatawan, pinaglilingkuran at ipinakikipaglaban?
Maaaring maglahad sila ng kung ano-anong batas na pinagtibay nila sa Kongreso, pero may naidulot bang ginhawa ito sa karaniwang mamamayan partikular sa mahihirap nating kababayan.
‘Yang EPIRA law (The Electric Power Industry Reform Act) na sinasabing magpapagaan sa bayarin natin sa mataas na presyo ng kuryente. Sa halip na bumaba ang electric bill natin, napakataas na nito para isumpa na natin ang mga ‘mambubutas’ este mambabatas na nagpasa at nagpatibay nito.
‘Yang Privatization law, ‘yang EVAT (expanded value added tax) at iba pang batas, ang mga ito’y krus na pinapasan nating lahat na mahihirap.
‘Yang Oil Deregulation law at iba pang batas na nagpapataw ng dagdag na buwis at parusa sa bayan, ang mga ito’y ginastusan ng karaniwang si Mang Juan at si Aling Maria para maging batas.
May mga mambabatas na panay ang pagtuligsa at pagbatikos sa mga kabulukan sa Department of Public Works and Highways, Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue at marami pang iba pero sinasabihan ba nila ang mga kaibigan nila sa mga ahensyang ito na magbayad ng tamang buwis?
May ilang tao sa gobyerno na ang mga salitang lumalabas sa kanilang bibig ay nagpapahamak at naglalagay sa paghihirap at panganib sa bayan, ‘di po ba?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
