OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG kababayan nating OFW sa Riyadh, Saudi Arabia ang dumulog sa Saksi Ngayon sa pamamagitan ng OFW JUAN, upang humingi ng agarang tulong para makauwi sa Pilipinas dahil sa lumalalang kondisyon ng kanyang kalusugan.
Kinilala ang ating kababayan na si Vanessa Pacarit Laroco, kasalukuyang nagtatrabaho bilang domestic helper sa ilalim ng kanyang employer na si Hamood Ibrahim Alsudais na nakatira sa Riyadh,Saudi Arabia.
Ayon kay Laroco, matindi ang kanyang nararanasang pananakit ng ulo, pananakit ng dibdib, at pagsusuka na may halong dugo. Bukod dito, nanlalabo na rin ang kanyang paningin, at hirap na siyang kumilos at magtrabaho.
“Bigla pong sumasakit dibdib ko at kumikirot ulo ko bandang likod hanggang batok. Lagi-lagi pong sumasakit ang ulo ko, tapos may kasabay na pagsusuka na minsan may dugo. Nanlalabo na rin po ang mga mata ko,” pahayag ni Vanessa sa kanyang mensahe.
Ayon pa sa kanya, binigyan na siya ng exit visa ng kanyang amo upang makauwi sa Pilipinas dahil sa kanyang kondisyon. Subalit sa kabila nito, tila hindi siya tinutulungan ng kanyang recruitment agency upang maisagawa agad ang kanyang repatriation.
“Nagmamakaawa na po ako sa agency na tulungan akong makauwi pero pilit nilang sinasabi na hanapan daw muna ako ng bagong employer. Paano po ako makakapagtrabaho kung ganito ang lagay ng katawan ko? Minsan isang beses lang kami pinapakain sa araw,” dagdag pa ni Laroco.
Siya ay kasalukuyang nasa accommodation ng kanyang agency sa Riyadh mula pa noong nakaraang Sabado. Bagama’t napasailalim siya sa check-up, tanging sa puso lamang siya nasuri at walang ginawang pagsusuri sa dugo, mata, o x-ray.
Ang kanyang local agency sa Pilipinas ay ang Top Joby, at ang kanyang foreign agency ay ang Alnasser Recruitment Office. Sa kabila ng paghingi niya ng tulong, wala pa ring konkretong aksyon para mapauwi siya agad sa bansa.
Si Laroco ay umaasa ngayon sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW), OWWA, at sa mga organisasyong tulad ng OFW JUAN, INC., upang maisakatuparan ang kanyang agarang repatriation at mabigyan ng sapat na medikal na atensyon sa Pilipinas.
176
