(BERNARD TAGUINOD)
SA gitna ng lumalaking kawalan ng tiwala sa Mababang Kapulungan dahil sa anomalya sa flood control projects, nagpasabog ng kontrobersyal na pahayag si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos tawagin ang Kongreso na “crocodile farm.”
Sa kanyang Facebook Live habang nasa loob ng session hall kamakalawa, kinuhanan ni Barzaga ng video ang paligid at pabirong sinabi:
“Welcome back to crocodile farm.”
Habang kaunti pa lang ang mga kongresistang naroroon, muling banat ng mambabatas: “Absent na naman ang mga buwaya. Nagbakasyon na, hehehehe.”
Bagaman October 14 pa nakatakda ang isang buwang recess ng Kongreso, halatang nadismaya si “CongMeow” — ang palayaw ni Barzaga sa social media — sa manipis na attendance ng mga mambabatas.
Bukod dito, nagpakita rin si Barzaga ng kopya ng draft impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sabay sabing may “surprise” siya sa kanyang mga followers.
“Marcos impeachment complaint, meow meow,” sabi ni Barzaga habang ipinapakita ang dokumento.
“Under the grounds of betrayal of public trust, I am filing an impeachment for President Marcos. Hopefully, Congress will remove him soon.”
Dagdag pa niya, kapag natanggal si Marcos, maaari nang busisiin ang lahat ng sangkot sa flood control anomaly, kabilang umano sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
“Hehehe… b-bye Marcos,” pahabol pa ni Barzaga habang nakangiti sa camera.
Gayunman, habang isinusulat ito ay hindi pa inihahain ni Barzaga ang impeachment complaint laban sa Pangulo na isa sa kanyang sinisi sa anomalya sa flood control projects bukod kina Romualdez at Co.
Dinedma ng Palasyo
Samantala, ayaw patulan ng Malakanyang ang panawagan ni Barzaga na People Power para mapatalsik si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na makarating man o hindi ang panawagan na ito ni Barzaga sa Pangulo ay dedma lang ang Malakanyang.
Ang katuwiran pa rin ni Castro, saklaw na aniya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang usaping ito.
Bukod kasi sa planong maghain ng impeachment complaints, nanawagan din si Barzaga sa Pangulo na magbitiw na sa tungkulin dahil ang usapin ng korupsyon ay nanggagaling umano mismo sa Malakanyang.
“Mahirap po kasing magsalita ng walang ebidensiya, madaling magbintang, madaling magsabi kung anu-ano. Kung walang ebidensya hindi dapat paniwalaan,” ang pahayag ni Castro.
Nauna rito, sa kanyang social media post ay hinihikayat ni Barzaga ang taumbayan, gayundin ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at military reserve forces na sumama sa isang democratic revolt na sisimulan sa October 12.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
102
