MGA MAMBABATAS PINAG-IINGAT SA PAGGAMIT NG CONTEMPT POWER

HINIMOK ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga kapwa mambabatas na maghinay-hinay sa paggamit ng kapangyarihang mag-cite in contempt sa mga pagdinig ng Senado.

Iginiit ni Cayetano ang kahalagahan ng pagiging kalmado at ang pag-iwas sa paglala ng tensyon sa loob ng sesyon.

Ito ay kasunod ng mainit na pagdinig kamakailan kung saan nagmosyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na i-cite in contempt si Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao dahil sa pagbibigay anya ng maling pahayag.

Ngunit sa halip na agad lagdaan ang contempt order, ipinag-utos ni Senate President “Chiz” Escudero ang pagpapalaya kay Lacanilao at naglabas na lamang ng show cause order sa kanya.

Nilinaw ni Cayetano na ang paglalabas ng contempt order ay isang kapangyarihang may kalakip na discretion at dapat dumaan sa due process at masusing pagsusuri.

Samantala, rereviewhin ng Office of the Senate President ang mga pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Foreign Relations kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, layon nitong madetermina kung nasusunod ang mga tamang rules kaugnay sa pagsasagawa ng pagdinig.

Sinabi ni Escudero na dapat maiwasan na magamit sa political agenda o motivation ang mga pagdinig at matiyak na palaging isasa-alang-alang ang “best interest” ng mamamayan, ng bansa at ng Senado bilang institusyon.

Una nang binigyang-diin ni Escudero na hindi niya papayagang magamit ang Senado at maging ang opisina ng Senate President sa partisan interests lalo na ng mga senador na reelectionist ngayong midterm elections.

(DANG SAMSON-GARCIA)

20

Related posts

Leave a Comment