Mga miyembro naglalayasan PDP-LABAN PALUBOG NA?

ANG inaakalang matibay na pader na mahirap banggain sa nalalapit na halalan, mistulang gumuguho na sa paglisan ng mga miyembro ng administration party na Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Bilang pambungad, 54 prominenteng miyembro ng PDP-Laban at iba pang partido mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nanumpa sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ilang araw bago pa pormal na umpisahan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtanggap ng mga Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato sa nalalapit na 2022 general elections.

Kabilang sa nalagas sa PDP-Laban si La Union Rep. Sandra Eriguel na pinanumpa mismo ni House majority leader Martin Romualdez na tumatayong pangulo ng Lakas-CMD.

Sa mass oathtaking sa Lakas-CMD kahapon, umaabot sa 54 pulitiko mula sa iba’t ibang partido kung saan marami umano sa mga ito ang galing sa PDP-Laban ang pormal na lumipat.

“We welcome our fellow legislators to the growing force of Lakas-CMD. In line with our commitment to serve the people, we continue to open our doors to leaders inside and out the House of Representatives,” ani Romualdez sa paglipat ni Eriguel at Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma na galing naman sa National Unity Party (NUP).

Bago pa man naganap ang oath-taking ng mga bagong kasapi ng Lakas-CMD, matinding dagok na ang inabot ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte at Energy Sec. Alfonso Cusi sa pagkalas ng paksyong pinamunuan nina Senador Koko Pimentel at Manny Pacquiao na una nang nagdeklarang tatakbong Pangulo sa ilalim ng nasabing partido.

Kapwa naman giit ng kampo nina Cusi at Pimentel – sila ang tunay na PDP-Laban.

Paniwala ng ilang mambabatas sa Kamara, nakakaapekto ang pagkakahati ng PDP-Laban sa kandidatura ni Duterte sa pagka Bise Presidente ng nominadong standard bearer na si Senador Bong Go. (BERNARD TAGUINOD)

198

Related posts

Leave a Comment