RAPIDO NI TULFO
NAGSAMPA ng diskwalipikasyon sa COMELEC si Vice Mayor Jay Manalo Ilagan ng Mataas na Kahoy, Lipa City, Batangas laban sa Construction Workers Solidarity Party-list dahil sa vote buying.
Ayon sa vice mayor, nasaksihan niya ang pamimigay ng tatlong kotse sa Barako Festival na ginanap sa Lipa City noong February 13-15 ng naturang party-list na kinakatawan ni Cong. Edwin Gaviola.
Isang paglabag daw sa Omnibus Election Code ang ginawang pa-raffle ng CWS na maaaring makaimpluwensya ng mga botante.
Ano ba ang talagang kinakatawan ni Gaviola, ang construction workers o construction companies?
Isa pang party-list na hindi dapat manalo sa darating na halalan ay itong Vendors Party-list. Hindi naman talaga vendors ang naunang tatlong nominees nito.
Ang pangunahing nominee nga nito na si Malou Lipana ay kilalang kontratista ng ilang malalaking proyekto ng gobyerno taliwas sa sinasabi nito na siya raw ay maliit na negosyante lamang na may pwesto sa ilang palengke.
Ang 4th nominee naman nito ay si Deo Valbuena o mas kilala sa pangalang Diwata na nag-viral sa social media platform na YouTube kamakailan lamang.
Dahil sa clearing operations na isinagawa ng MMDA malapit sa Senado, nakita sa video na kausap di-umano ng isa sa mga pinaalis na vendors na nakasuot ng t-shirt ng Vendors Party-list, si Diwata, at nang kunin ni Gabriel Go ang cellphone para kausapin ito ay binabaan siya ng telepono.
Baka kung anu-ano ang ipinangangako nitong Vendors Party-list sa kanilang supporters para manalo kahit na mali.
And last but not the least ay itong Kaunlad Pinoy Party-list na kinakatawan ni James Napoles na anak Janet Lim-Napoles.
Si Janet Lim-Napoles ay hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng 103 years dahil sa corrupt practices.
Si Janet Lim-Napoles ay ang tinaguriang pork barrel queen na yumaman di-umano dahil sa mga pondo na galing sa ilang mambabatas.
Ipinagmamalaki raw ni James Napoles na mananalo sila dahil may kapit sila na mataas na opisyal sa COMELEC.
