CWS PARTY-LIST PINADI-DISQUALIFY SA VOTE BUYING

NAGHAIN kahapon ng pormal na reklamo sa Commission on Elections (Comelec) si Batangas Gubernatorial Candidate Jay Manalo Ilagan, na siya ring kasalukuyang Vice Mayor ng bayan ng Mataas na Kahoy, laban sa CWS Party-list at sa kinatawan nito na si Congressman Edwin L. Gardiola.

Ayon kay Ilagan, kasong vote buying ang naganap na “Barakofest 2025” sa Lipa City, Batangas noong Pebrero 13-15, 2025.

Base sa 31 pahinang reklamo ni Ilagan, nagsagawa ang CWS Party-list ng “Last to Take Hands Off Challenge” kung saan nagkaloob ng premyo ng tatlong brand-new na Toyota Vios.

Ayon kay Ilagan, ang nasabing aktibidad ay saklaw ng 90-day campaign period bago ang 2025 election, na labag sa Omnibus Election Code. Ipinagbabawal nito ang pamimigay ng mga bagay na may halaga upang impluwensiyahan ang mga botante.

Nakasaad sa reklamo, malinaw na nilabag ng CWS Party-list ang Section 261(a) ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa sinomang kandidato o partido na mamigay ng pera o anomang bagay na may halaga upang hikayatin ang isang botante na bumoto para sa kanila.

Bukod dito, isinumite rin sa Comelec bilang ebidensiya ang umano’y pahayag ni Batangas gubernatorial candidate Vilma Santos-Recto, kung saan sinabi umano nito:”Ngayon, tatlong kotse ang ibinigay po ni Congressman… CWS 135.”

Ayon sa reklamo, ang naturang pahayag ay nagpapakita ng tahasang paglabag sa batas laban sa vote buying.

Hiniling ni Ilagan sa Comelec ang agarang imbestigasyon sa vote buying at panagutin ang CWS Party-list sa paglabag sa Omnibus Election Code sa pamamagitan ng diskwalipikasyon kung mapatunayang nagkasala.

Nagsumite rin si Ilagan ng mga dokumento at video bilang ebidensya sa nasabing reklamo.

“Naniniwala po ako na malakas ang aming kaso dahil ito ay kumpletos rekados,” sabi ni Ilagan.

97

Related posts

Leave a Comment