KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
PEBRERO 22 –26. Taunang komemorasyon ng EDSA People Power Revolution noong 1986. Tulad ng inaasahan, binalewala ng Malakanyang ang kahalagahan ng okasyon. Gayunpaman, maraming pribadong eskuwelahan sa Metro Manila ang nagdeklarang walang pasok kahapon, Feb. 25. May ilang lokal na pamahalaan sa ibang panig ng bansa ang nagpalabas din ng katulad na utos sa kanilang nasasakupan.
Maraming aktibidades. Martsa, asembleya ng protesta, prayer rallies, balik-tanaw, inilabas muli ang news clippings at lumang litrato na pawang nakataas ang tikom na kamao kasama ang yellow ribbons – ito ang taunang ritwal natin.
Makabayan ang damdamin ng lahat. Bumabaha ang sentimentalismo sa saliw ng awiting “Bayan Ko”. Ginugunita ang ilang araw sa buwan ng Pebrero noong 1986 nang ipinamalas ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagkakaisa sa matagumpay na pagpapatalsik sa diktadura ni G. Ferdinand Marcos Sr., ang pagpapalayas sa kanyang pamilya at mga cronies na kinupkop naman ng Amerika. Sumaludo sa atin ang buong mundo.
Ngayon pagkalipas ng 39 na taon, may naganap bang positibong pagbabago para sa taong bayan, sa gobyerno at bansa pagkatapos ng kaganapan sa EDSA? Tayong mga ordinaryong mamamayan. Tanungin natin ang ating mga sarili. Iisa ang ating kolektibong tugon – walang pagbabago sa buhay natin. Lalo pang nagiging grabe ang ating paghihirap. Bagama’t nawala na ang diktadurya, malaya na tayong magpahayag kahit laban sa gobyerno, madalas naman ay kabingihan ang tugon sa ating mga hinaing at hiling na pagbabago.
Ang komemorasyon ng kaganapan sa EDSA ay silbing paalala sa sambayanang Pilipino na minsan ay nagkaroon na tayo ng pagkakataon na baguhin ang direksyon ng bansa para sa ganap nating paglaya at muling pagsisimula ngunit hindi tayo nagtagumpay. Sino ang dapat sisihin? Masakit mang aminin – TAYO rin
Sa diretsong tumbok ay BIGO ang diwa ng rebolusyon sa EDSA. HUNGKAG ang taunang komemorasyon. Ito ang mapait, nakalulungkot at nakagagalit na katotohanan.
##########
Sayang. Isang pagkakataon sana ang kaganapan sa EDSA para magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating lipunan at gobyerno. Pero inalpasan natin ito. Nawala ang pagpapatuloy ng pakikibaka para makongkreto ang tagumpay.
Ipinaubaya na lang natin ang direksyon ng bansa sa mga bagong diyos-diyosan na pumalit kay Marcos at kanyang mga kakutsaba. Nanood na lang tayo sa paglipas ng mga taon at nakukuntento sa taunang ritwal sa EDSA. Balik-tanaw at kapit-bisig.
Ngayon, hindi lang bumalik sa dati ang sitwasyon. Mas malala pa.
Bakit? Matapos ang ilang taon, nakabalik sa Pilipinas ang mga pinatalsik ng EDSA revolution. At ang pinakamatindi, inihalal bilang pangulo ng bansa si PBBM, ang anak ng sinipang diktador. Ngayon ay muli na naman silang naghahari sa gobyerno kasama ang mga kauri nila at mga gasgas na politiko.
Samantala’y patuloy pa rin tayo sa sentimental na komemorasyon tuwing Pebrero. Tsk, tsk, tsk, Ibang klaseng lahi talaga ang mga Pilipino.
##########
Maraming yugto sa dahon ng kasaysayan ng bansa ang nag-iwan ng makabuluhang aral upang maging gabay ng mga Pilipino para sa kanilang lubusang paglaya at pag-unlad.
Ang problema, iba ang namamayaning mentalidad ng marami ngayon. Ginugunita lang natin ang yugto ng nakalipas sa pamamagitan ng awtomatik na taunang komemorasyon. Dedma naman tayo sa kabuluhan at iniwang aral ng nakalipas.
Hindi sapat ang pagtuturo at pagbabalik-tanaw lang sa kasaysayan. Mas higit na magkakaroon ng kabuluhan ang nakalipas kung isasaksak din sa kukote natin ang mahalagang leksyon na iniwan nito.
Ang nangyayari ngayon, ipinagdiriwang ang EDSA people power na pinangingibabawan ng sentimentalismo. Subalit wala namang pakialam ang marami sa umiiral na kasalukuyang sitwasyon sa bansa na mas higit pang nakagagalit kumpara noong panahon bago sumiklab ang kaganapan sa EDSA.
Nawala ang kahalagahan ng okasyon. Nawalang saysay rin ang alaala ng kabayanihan ng mga nabuwal at nawala sa dilim sa mahabang panahon ng pakikibaka laban sa diktadura bago pa paslangin si Ninoy Aquino noong 1983.
Patuloy ngayon ang lalong lumalalang paghihirap ng taong bayan samantala’y nagtatampisaw sa rangya ang iilan sa ibabaw ng tatsulok. Dedma rin ang marami sa mas malaganap ngayong korapsyon sa gobyerno. Walang pakundangan pa rin ang pagboto tuwing eleksyon kesehodang payaso, trapo, kriminal, manderekwat at tanga ang kandidatong ihahalal na ngayon ay namamayagpag ang marami sa Kongreso at Senado.
##########
Sana, huwag tayong makuntento na lang sa taon-taon nating drama at sentimental na pagbabalik-tanaw sa kaganapan sa EDSA. Sa sitwasyon natin ngayon, mas lalong higit ang pangangailangang buhayin ang palabang diwa ng EDSA at ipagpatuloy ang rebolusyon para sa ating ganap na paglaya mula sa kuko ng mga gasgas na politiko at korap na mga opisyales ng pamahalaan.
Umpisahan nating muli ang pakikibaka para sa makabuluhang pagbabago ngayong darating na eleksyon. Iboto natin ang mga karapat-dapat na manungkulan sa pamahalaan at iwaksi ang mga huwad na kandidato at mapagsamantalang halal na opisyales. May nalalabi pa tayong sandata – ang ating sagradong balota.
Gabayan nawa tayo ng Panginoong Diyos. AMEN!
