INIHAYAG ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na agad aaksyon ang Kamara de Representantes sa mga panukalang batas na binanggit ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang State of The Nation Address (SONA).
Ayon kay Speaker Romualdez, kanilang susuportahan ang inilatag na road map ng punong ehekutibo.
Sinabi pa ni Romualdez, malinaw na ang gusto ni PBBM ay buhayin ang ekonomiya at malaking bahagi nito ay ang pagpaparami ng produksyon ng pagkain sa bansa.
Samantala, inihayag din ni Pangulong Marcos na nais niya ring magkaroon ng malalaking ospital sa labas ng National Capital Region, kagaya ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Heart Center, Lung Center, at Children’s Hospital upang makapagserbisyo sa taong bayan sa labas ng NCR.
Sinabi pa ng punong ehekutibo na kanyang paiigtingin ang information campaign maging ang vaccination program ng Pilipinas ukol sa nakamamatay na sakit na corona virus.
Ang naturang panukala ni PBBM ay pinalakpakan at ginawaran pa ng standing ovation ng mga mambabatas.
Naniniwala rin si Pangulong Marcos na napapanahon na upang magbalik sa face-to-face classes ang lahat ng mga estudyante sa bansa.
Nais din niyang aksyunan ng mga mambabatas ang usapin sa mataas na presyo ng kuryente sa bansa at maging sa iba pang mga public utility kagaya ng tubig at iba pa.
Pinamamadali rin ni Pangu-long Marcos ang mga usapin sa mga public transport kagaya ng mga train na mag-uugnay sa Luzon, Visayas at Mindanao, gayundin ang mahinang internet sa bansa.
Samantala, isang Post-State of the Nation Address o SONA meeting ang planong isagawa ni Pangulong Marcos ngayong linggo.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, posibleng idaos ngayong araw ang pulong kasama ang iba’t ibang stakeholders.
Tatalakayin aniya sa naturang pulong ng mga miyembro ng gabinete ang mga plano at programa sa stakeholders na hindi nakarating sa SONA ni Pangulong Marcos noong Lunes.
305