IPINALALANTAD ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chairman Grego Belgica ang mga tinutukoy nitong kongresista at mga kontratista na sangkot sa sinasabing katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Sotto na mas makabubuting gawin din sa usapin sa DPWH ang kanilang ginawa sa Philhealth kung saan pinangalanan nila ang lahat ng mga isinasangkot sa mga anomalya.
“Pinakamaganda ganito parang ginawa namin sa Philhealth, ilabas natin kung sinu-sino sangkot patunayan natin, ilantad lahat yun, hindi pwedeng si Congressman. Sinong congresssman? Sinong kontratista? Magagalit ang iba dyan, sabihin wala akong ginagawang ganyan, ang nangyayari everybody is a suspect,” diin ni Sotto.
“Pangalanan and show evidence,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Sotto na hindi matitigil ang sinasabing katiwalian kung hindi ilalantad ang mga sangkot.
“Para matigil once and for all, yung mga may ebidensya ilabas at pinakamaganda at imbestigahan natin ang mga dapat imbestigahan,” diin pa nito.
Mas makabubuti rin anya na ang Department of Justice (DOJ) ang mag-imbestiga upang magtuloy-tuloy na ito sa paghahain ng kaso.(DANG SAMSON GARCIA)
