AYAW munang magkomento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kautusan ng Department of Justice (DOJ) na kasuhan ang kanilang mga tauhan at ilang pulis na sangkot sa shootout sa Quezon City noong nakaraang taon.
Ayon kay PDEA Public Information Office chief Director Derrick Carreon, wala pa silang hawak na kopya ng resolution ng DOJ kaya hindi muna sila makapagbibigay ng pahayag.
Ang pamunuan naman ng Philippine National Police (PNP) ay agad nagpahayag na bukas sila sa rekomendasyon ng DOJ.
Ani PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, ito ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang mga nasasakdal na ipagtanggol ang kanilang sarili sa korte.
Ayon kay Alba, hahayaan na nila ang korte na magdesisyon sa kahihinatnan ng kaso laban sa mga pulis at maging sa mga ahente ng PDEA bilang bahagi ng due process.
Matatandaang, Pebrero 2021 nang magka-engkwentro ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at PDEA sa isang mall sa Commonwealth Avenue na ikinasawi ng isang ahente ng PDEA, asset nila at isa pang police officer.
Ang mga PDEA agent na sina Khee Maricar Rodas, Jeffrey Baguidudol at Jelou Santiniaman ay kakasuhan ng homicide sa pagkamatay ni PCpl. Eric Garado.
Habang ang mga tauhan ng QCPD na sina PCpl Paul Christian Gandeza, PLt Honey Besas, PMaj Sandie Caparroso at P/SMSG Melvin Merida ay kakasuhan ng direct assault dahil sa pananakit umano sa PDEA agents.
Kapwa nagpahayag ang dalawang panig na may anti-drug operation sila sa lugar at hindi nagkakilanlan kaya nagkaroon ng engkwentro. (JESSE KABEL)
