Mga suspek tinutugis ng PNP-PRO5 3 SIBILYAN MINASAKER NG NPA

ALL-OUT manhunt operation ang inilunsad ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 laban sa hinihinalang grupo ng komunistang New People’s Army na nasa likod ng pagdukot at paglikida sa tatlong sibilyan sa lalawigan ng Masbate.

Sa ulat na ibinahagi ni PNP-PRO 5 Regional Director Jonnel C. Estomo walang awang pinatay ng hinihinalang mga NPA ang tatlong kalalakihan na kanilang dinukot noong Sabado.

Ayon kay PNP-PRO5 Spokesperson P/Major Malou Calubaquib, base sa ulat na isinumite kay Bicol PNP chief, P/Brig. Gen. Estomo ng Masbate Police Provincial Office, alas-dos ng hapon nang ipagbigay-alam ng concerned citizen sa himpilan ng Palanas MPS ang pangyayari.

Sinasabing puwersahang kinaladkad ng armadong kalalakihan ang tatlong biktima na naglalako ng speaker, floor mat at salamin lulan ng kanilang motorsiklo sa Brgy. Miabas, Palanas, Masbate dakong alas-7:00 ng umaga.

Itinali umano ng 30 armadong miyembro ng  NPA ang tatlong kalalakihan  at dinala sa ‘di pa matukoy na lugar.

Matapos mapag-alaman ang detalye, ang Palanas MPS ay agad nakipag-ugnayan sa Masbate 2nd Police Provincial Office upang maglunsad ng hot pursuit operation laban sa mga suspek.

Sa araw ding iyon, alas-kwatro ng hapon nang makatanggap ng tawag ang Palanas MPS sa nakitang dalawang bangkay sa Brgy. Piña, Palanas Masbate.

Kinumpirma ng mga saksi ang pagkakakilanlan ng mga biktima na Jose Lalaguna y Robles, 51, at Jestoni Lalaguna, 22-anyos.

Dakong alas-4:30 ng hapon naman natagpuan ang bangkay ng isa pang biktima na si Joey Lalaguna.

Ang mga biktima ay may mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi na kanilang agarang pagkamatay.

Samantala, dinala ang bangkay ng mga biktima sa RHU-Palanas upang sumailalim sa postmortem examination.

“Kasama ang pamilya ng mga nasawi, ang PNP Bicol ay magpupursigeng mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga biktima. Hindi ito ang pinangarap natin para sa ating mamamayan. Ang ating hangarin ay magbigay tulong upang mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan at ito ay taliwas sa kagustuhan ng mga rebeldeng NPA.

Sa maraming panahon patuloy nitong ipinapakita ang kalupitan at makasarili nitong pilosopiya at ito ang pinagsisikapan nating wakasan na,” pahayag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)

216

Related posts

Leave a Comment