MGA TSUPER NAG-UUWIAN NA

NAWAWALAN na ng pag-asa ang mga tsuper ng mga pampasaherong jeep na bumalik sa normal ang kanilang pamamasada kaya nag-uuwian na ang mga ito sa kanilang mga probinsya kasama ang kanilang jeep.

Nakarating sa inyong DPA as in Deep Penetration Agent na marami na ang nagpasyang umuwi na lang sa probinsya simula nang lumuwag ang community quarantine para dun na lang maghanap ng trabaho dahil sa pakiramdam nila ay wala ng pag-asa sa Metro Manila.

Kahit daw kasi payagan ang mga ito na bumiyahe ay wala pa rin silang kikitain dahil 50% lamang ang ca­pacity na puwede nilang isakay kaya lugi raw sa krudo lalo na’t tumataas ang presyo ng langis.

Karamihan kasi sa kanila ay nakiki-boundary lang at ang kung mamamasada sila, ang kanilang operator lang daw ang kanilang ipaghahanapbuhay at wala na silang iuuwi sa kanilang pamilya.

Marami rin sa mga tusper ay nangungupahan lamang sa Metro Manila at dahil wala na silang kikitain sakaling payagan silang mamasada ay nagpasya na lamang silang umuwi kesa dahil wala na

silang ­pagkukunan sa kanilang upa.

Yung mga operator na siya ring driver ng kanilang unit ay inuuwi na rin daw ang kanilang sasakyan dahil lugi pa rin daw sila kapag namasada at wala pang kasiguraduhan kung kailan sila papayagang bumiyahe.

Hindi ko sila masisisi dahil ilang buwan na silang walang kayod at kung mananatili pa sila sa Metro Manila ay malamang na mamatay lang sila sa gutom lalo na’t parang nakalimutan na sila ng gobyerno.

Mas mabuti sa probinsya dahil kahit papaano ay mayroong pagkukunan ng pagkain basta masipag ka lang sa pagtatanim ng mga gulay sa inyong bakuran ay mabubuhay ka na.

Sa probinsya, maliban sa mga lungsod, bihira kang makakita ng bahay na hindi malawak ang bakuran hindi tulad dito sa Metro Manila kaya puwede kang magtanim at mag-alaga ng manok, baboy at kung ano-ano pa.

Naglalakihan ang bakuran ng mga tao sa probinsya at hindi na nila kailangang mangupahan pa hindi tulad dito sa Metro ­Manila kaya walang magugutom basta masipag ka lang.
Karamihan sa mga dayo sa Metro Manila ay may sariling lupain o sakahan pero iniwan nila at ipinagawa sa kanilang mga kaanak ang pagsasaka dahil ayaw nilang masunog ang balat sa init ng araw.

Pero dahil sa krisis na idinulot ng covid-19, marami talaga ang gusto ng bumalik sa probinsya dahil yung hinahabol nilang oportunidad sa Metro Manila ay pinaglaho na ng pandemya.

Ang hiling ko lang sana, kumilos agad ang national government at bigyan ng oportunidad ang mga nag-uuwian sa kanilang probinsya at huwag itututok ang pagpapaunlad sa Metro Manila at malalaking siyudad sa bansa.

Panahon na ulit ng deliberasyon ng budget kaya sana naman ay magkaroon ng equal distribution sa lahat ng probinsya sa pambansang budget sa susunod na taon upang umunlad naman ang

buong bansa.
Hangga’t hindi kasi gawin yan ng mga namumuno sa atin, patuloy ang pagdami ng mga taong makikipagsapalaran sa ­Metro Manila.

DPA Ni BERNARD TAGUINOD
164

Related posts

Leave a Comment