NATAGPUAN sa malalim na hukay ang isang nawawalang 16-anyos na binatilyo sa isang construction site sa center island ng EDSA, Quezon City noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Raniel Riano, 16, residente sa nasabing lugar.
Ayon sa ina ng biktima, apat na araw nang nawawala ang kanyang anak at hindi nila alam kung saan ito nagpunta.
Noong Miyerkoles ng umaga, napansin umano ang tsinelas ng biktima sa tabi ng naturang hukay sa construction site sa center island ng EDSA North Avenue.
Nang silipin ay dito nakita ang bangkay ng biktima na nangangamoy na kaya’t agad ini-report sa mga awtoridad.
Bandang alas-4:00 na ng hapon nang tuluyang maiahon ng mga tauhan ng Special Rescue Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang bangkay ng biktima matapos ang apat na ulit na pagtatangka.
Nabatid na nahirapan ang mga awtoridad na makuha agad ang bangkay dahil sa lalim ng hukay at masangsang na amoy nito.
Hinala ng ina ng biktima, inatake ng epilepsy ang anak kaya’t nahulog sa hukay.
Ayon naman sa mga awtoridad, nagmistulang balon ang hukay dahil sa dami ng tubig bunsod ng mga pag-ulan.
Ginawa itong paliguan at hugasan ng kamay ng mga palaboy kaya’t natanggal ang net na nakaharang dito.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nasabing insidente upang matukoy kung may foul play sa pagkamatay ng biktima. (LILY REYES)
