MOCK TRIAL O MOCKERY NG HUSTISYA?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAY napanood akong video ng criminology students na gumawa ng mock trial tungkol sa panggagahasa. Dapat seryoso iyon dahil pagsasanay ito para sa totoong kaso. Pero sa gitna ng eksena, may isang estudyante na nagbitaw ng bastos na linya.

Biglang nagtawanan ang buong silid na parang wala lang.

Doon ako napahinto. Hindi lang dahil sa sinabi, kundi dahil sa naging reaksyon. Walang pumigil. Walang nagtanong kung tama pa ba ang nangyayari. Sa halip, tinanggap iyon bilang normal na parte ng eksena. At doon nagsimulang mabuo ang mas mabigat na tanong.

Ang mock trial ay hindi simpleng gawain sa klase. Dito hinuhubog kung paano kikilos ang mga estudyante sa harap ng seryosong usapin. Dito natutunan kung paano humawak ng kaso na may kasamang sakit at trauma. Kung sa ganitong lugar pa lang ay nagiging biro ang isang mabigat na krimen, malinaw na may mali sa paraan ng pagtingin nila rito.

Hindi rin maihihiwalay ang reyalidad ng panggagahasa sa usaping ito. Hindi ito kwento lang o eksena sa script. Totoong tao ang dumaranas nito, at ang epekto ay hindi basta nawawala. May mga biktimang nagsasalita, pero marami ang nananahimik. Kaya kapag may ganitong uri ng biro, mas lalo nitong ipinararamdam na hindi sila sineseryoso.

May ilan na magsasabing practice lang iyon. Pero ang practice ang unang hakbang sa paghubog ng asal. Kung ano ang nagiging normal sa ensayo, iyon din ang maaaring madala sa totoong sitwasyon. Kaya hindi ito basta eksena lang na pwedeng palampasin.

Mas lumalala ang usapin dahil ang mga estudyanteng ito ang inaasahang hahawak ng ganitong kaso balang araw. Sila ang inaasahang makikinig at magbibigay proteksyon.

Kung ngayon pa lang ay may ganitong klase na ng reaksyon, mahirap hindi magtanong kung paano sila kikilos kapag totoong biktima na ang kaharap nila.

Madalas ding marinig na gusto nilang igalang at seryosohin sila ng publiko. Pero hindi rin maikakaila na may nabuo nang imahe laban sa kanila, dulot ng ilang kilos na paulit-ulit nakikita at napag-uusapan. Hindi man ito patas sa lahat, dala nila ang bigat ng pananaw na iyon. Sa ganitong sitwasyon, mas lalong nagiging mahalaga ang bawat galaw. Dahil ang respeto ay hindi kusang ibinibigay. Nakikita ito sa kilos at sa paraan ng pagharap sa mabibigat na usapin. At ang mga ganitong pangyayari ang lalo lang sumisira sa tiwalang iyon.

Ang napanood ko ay hindi lang isang maling biro. Ipinakita nito ang kakulangan sa pag-unawa at pakiramdam sa bigat ng sitwasyon. Hindi ito tungkol sa pagiging sensitibo. Ito ay tungkol sa pag-alam kung kailan dapat tumigil at umayos.

Maikli lang ang video, pero malinaw ang ipinakita nito. Ang paraan ng pagtrato sa isang seryosong krimen sa loob ng silid-aralan ay may epekto sa kung paano ito haharapin sa labas. At iyon ang bahagi na hindi madaling balewalain.

67

Related posts

Leave a Comment