MODERNISASYON NG AFP AT PNP, DAPAT LAANAN NG TIG-P25B

MULING isinusulong ni Senador Alan Peter Cayetano sa Senado ang panukalang naglalayong maglaan ng P25 bilyon sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa loob ng limang taon para sa modernisasyon ng kanilang mga kampo at pasilidad.

Layon ng proposed AFP and PNP Camp Development Fund Act ni Cayetano na palakasin ang AFP at PNP.

Sinabi ni Cayetano na mahalaga ang papel ng militar at pulisya sa pagbabantay sa pambansang seguridad kaya’t kailangan ng tuloy-tuloy na pondo para sa kanilang pagpapaunlad.

“Peace and order is essential to not just the stability of the country, but also its continued growth. We help our military and police personnel perform and realize their mandate by ensuring that the AFP and PNP has sufficient funding for its programs, including the development of their camps and headquarters,” pahayag ni Cayetano.

Layunin ng AFP and PNP Camp Development Fund Act na maglaan ng limang taong programa para sa modernisasyon, pag-unlad, at pagpapabuti ng mga kampo militar at pulis na naaayon sa kanilang development plan.

Ang bawat ahensya ay makakatanggap ng P5 bilyon kada taon na may kabuuang P25 bilyon sa loob ng limang taon.

Iginiit ni Cayetano na ang lahat ng development plan at mga kaugnay na pagbili ay isasagawa nang may transparency, ngunit ang access sa sensitibong impormasyon ay angkop na lilimitahan upang protektahan ang pambansang seguridad at kaayusang panlipunan.

Saklaw ng panukalang pondo ang pagpapatayo at pagpapahusay ng mga imprastraktura gaya ng mga training center, tulugan, sports facility, internet connectivity, at mga security system tulad ng CCTV.

Binigyang diin din ni Cayetano ang “multiplier effect” ng pamumuhunan sa imprastraktura, kabilang ang potensyal nitong lumikha ng trabaho, pasiglahin ang mga lokal na ekonomiya, at makatulong sa pagbawas ng kahirapan.

“Investing in infrastructure produces a multiplier effect in terms of generating employment, increasing foreign exchange earnings, and stimulating the local economy, all of which help to alleviate poverty… For said reasons, the immediate passage of this bill is earnestly sought,” sulat niya sa panukalang batas.

(DANG SAMSON-GARCIA)

27

Related posts

Leave a Comment