IPINARATING sa PUNA na may mga pulis pa rin daw ngayon ang gumagawa ng modus ng tinaguriang “Ninja Cops”.
Ang dalawa ay nakatalaga sa Novaliches Police Station 5 at isa namang policewoman pa man din ay nakatalaga sa Fairview Station 5 na pawang nasa ilalim ng Quezon City Police District (QCPD).
Bakit sinabi silang mga remnant ng “Ninja Cops”?
Ang modus kasi ng mga ito ay katulad din ng “Ninja Cops”, protektor sila ng mga nagtutulak at nagre-recyle ng kanilang mga nahuling ilegal na droga.
Nang magsimulang umupo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016 ay uminit ang grupong ito, sila kasi ang nasa likod ng mga nagre-recycle ng illegal drugs.
Kapag nakahuli sila ng illegal drugs ay kalahati lang ang kanilang idedeklara at pakatapos ang kalahati ay kanilang ipabebenta sa kanilang mga batang tulak.
Ngayon lumalabas na naman ang modus na ito, lalo na riyan sa Novaliches Police Station 4 at Fairview Police 5.
Kamakailan, may hinuli ang mga awtoridad sa De Jesus Compound sa Brgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City na isang pamilyang tulak.
Imbes na ikatuwa ng tatlong pulis na ito na hinuli ang matagal nang salot sa De Jesus Compound ay binantaan pa ng tatlo ang source ng PUNA dahil ito raw ang nagsumbong kaya natimbog ang kanilang gatasang tulak. Anak kayo ng mga ina ninyo!
Malinaw na kaya kayo nagagalit dahil nawala ang inyong pinagkakakitaan.
Ang mahirap pa niyan, duda lang naman nila na ang source ng PUNA ang nagsumbong kaya nahuli ang mga tulak at mga adik na ‘yan.
Ang problemang ito ay nakarating na kay QCPD Director Gen. Antonio Yarra, subalit lalo pa silang nanggalaiti nang malaman nila kaya galit na galit sila sa source ng PUNA.
Kinakailangan nating ibulong kay Philippine National Police chief, Gen. Guillermo Eleazar ang modus ng tatlong pulis na ito na walang kaibahan sa tinaguriang “Ninja Cops”.
Sinasabi ng pamunuan ng pulisya na tumulong ang taumbayan na magsumbong sa pamamagitan ng pagtawag o pag-text laban sa mga nasasangkot sa ilegal na droga.
Pero ang pagsusum-bungan pala nilang awtoridad ay protektor pala ng ilegal na gawain na ito.
Paano ngayon makikipagtulungan ang taumbayan sa mga awtoridad kung ikapapahamak naman nila ang kanilang pagsusumbong?
Tulad nitong sa De Jesus Compound na hindi pa nga siya ang nagsumbong duda lang ng mga pulis ay binabantaan na siya ng tatlong protektor na ito.
Ang kakapal naman ng mga mukha ninyo! ‘Di na kayo nahiya, doble na ang mga suweldo n’yo pumapatong pa kayo sa mga ilegal na gawain!
‘Di ba kayo nakukunsensiya na iniuuwi n’yong pera sa mga pamilya ninyo ay galing sa masamang gawain?!
Magaling maghanap ng mga address ninyo ang karma, kahit saan pa kayo magtago matatagpuan kayo dahil marami kayong mga buhay ng tao na sinisira.
Hindi kaya alam ng station commanders ninyo ang inyong mga pinaggagawa?
Mga sir, gumising kayo, ang mga pulis na ito ang humahatak sa inyo pababa.
Kaya hindi matapos-tapos ang problema sa ilegal na droga dahil sa mga ganitong klaseng awtoridad na nagiging protektor ng mga masamang gawain.
Karmahin sana kayo! Mga Buwisit!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
