BINULAGA ng mga operatiba mula sa tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Cagayan de Oro ang isang sindikatong pinaniniwalaang sangkot sa malawakang cigarette smuggling sa katimugan ng bansa.
Sa isinagawang spot-check examination ng BOC-Cagayan de Oro, bistado ng nasa P160-milyong halaga ng imported na sigarilyong laman ng dalawang containers na nakalagak sa Mindanao Container Terminal Port sa Phividec Compound sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Batay sa dokumentong kalakip ng mga nakatenggang containers na idineklara bilang “personal effects” mula sa bansang Tsina, Disyembre 16 pa ng nakalipas na taon nang dumating sa bansa ang naturang kontrabando. Gayunpaman, hindi tinukoy ng kawanihan ang kumpanyang nakatala bilang consignee ng nadiskubreng kargamento. Sa kalatas ng BOC-Cagayan de Oro, Enero 18 nang pasukin ng mga BOC personnel, kasama ang mga kinatawan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Chamber of Customs Brokers Inc. (CCBI) at mga katuwang na ahensya ang pasilidad batay na rin sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Surigao Field Station sa pangunguna ni Atty. Justin Geli at Enforcement and Security Service CDO (ESS) na pinamumunuan naman ni Capt. Abdila Maulana, Jr. Nang inspection ang laman ng dalawang target na containers, tumambad ang nasa 2,000 master cases ng imported na sigarilyo (New Berlin) – hudyat para sa paglabas ng Pre-Lodgement Control Order at Warrant of Seizure and Detention ni District Collector Alexandra Yap-Lumontad bunsod ng hayagang paglabag sa Section 14 ng Republic Act 10863 na mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act. Samantala, inilipat na ng lokal na pulisya ng Lungsod ng Davao sa BOC ang nasa P150,000 halaga ng mga nasamsam na smuggled cigarette sa magkakahiwalay na buy-bust operation. Kabilang sa mga ipinasa ng Davao City PNP ang limang kahon ng Bros (white cigarettes), 36 ream ng hinihinalang pekeng Jackpot (white) at 23 ream ng Marlboro (red) para sa katumbas na halagang P150,000. (JOEL AMONGO)
345