NAMATAANG gumagala sa paligid ng Philippine Navy BRP Sierra Madre malapit sa Ayungin Shoal ang tinaguriang “The Monster”, ang China Coast Guard 5901 na pinakamalaking barko ng coast guard nitong Martes, Hunyo 25.
“We have noted reports of a large China Coast Guard (CCG) vessel passing near the BRP Sierra Madre at Ayungin Shoal,” ayon sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon sa Hukbong Sandatahan ang presensya ng CCG vessel sa lugar ay “illegal, coercive, and contrary to the spirit of maintaining peace and stability in the region.”
Ayon kay AFP Public Information Office chief Col. Xerxes Trinidad patuloy na magiging mapagmatyag at matatag ang militar ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga international maritime law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Nanawagan din ang AFP sa ibang bansa na sundin ang internasyunal na batas at iwasan ang mga aksyong magpapalala sa tensyon sa WPS.
Kamakailan ay naglayag din ang China Coast Guard 5901 malapit sa Scarborough Shoal noong Mayo.
Naniniwala ang AFP na ang presensya ng 12,000-ton CCG ship malapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay… ” part of a broader pattern” of China’s “intrusive patrols aimed at asserting unlawful claims over areas within the Philippines’ exclusive economic zone (EEZ).”
Sa ipinaskil na mensahe sa X (Twitter) nitong Lunes, sinabi ni dating United States Air Force official Ray Powell na ang CCG 5901 vessel ay naglayag malapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at tinahak ang Escoda Shoal. (JESSE KABEL RUIZ)
