‘MONSTER SHIP’ NG TSINA NAKABABAHALA

NABABAHALA ang Malakanyang sa “monster ship” ng Tsina na unang namataang malapit sa Zambales at pagkatapos ay lumipat ng lokasyon sa Lubang, Occidental Mindoro.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang presensiya ng “monster ship” sa rehiyon ay isang “matter of projection.”

Tiniyak naman ni Bersamin na patuloy na hahamunin ng puwersa ng Pilipinas ang sasakyang pandagat ng Tsina sa kabila ng pagiging ‘non-confrontational’ nito.

“We view it with concern. So far, we have been challenging the presence of that monster ship, our Coast Guard has always been very alert in following up ‘yung presence of that monster ship, pasulpot-sulpot,” ang sinabi pa rin ni Bersamin.

Tinuran pa rin ni Bersamin na palagi namang naghahain ng protesta ang gobyerno ng Pilipinas laban sa patuloy na presensiya ng Tsina at agresyon sa West Philippine Sea.

Sinabi pa nito na mayroon nang vice ministerial talks sa pagitan ng Maynila at Beijing para tugunan ang mga isyu sa rehiyon.

”This is the precise issue that they address, ‘yung settlement of the dispute in the West Philippine Sea,” ang sinabi pa rin ni Bersamin.

Samantala, sinabi ni PCG Spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, Lunes ng umaga nang mamataan sa naturang lugar ang China Coast Guard (CCG) vessel 5901, na tinaguriang ‘monster ship.’

Nilinaw naman nito, na walang hina-harass na mangingisdang Pinoy sa lugar ang naturang barko.

Unang namataan ang ‘monster ship’, may 54 nautical miles ang layo mula sa Capones Island, sa Zambales noong Linggo, na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Kaagad namang idineploy ng PCG ang BRP Cabra, isang helicopter, at PCG Caravan upang bantayan ang barko.

Hinamon din umano nila ang presensiya ng CCG sa lugar at sinabihang sila ay nasa EEZ ng Pilipinas.

Samantala, aminado si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nakababahala ang paglalayag ng pinakamalaking barko ng China Coast Guard sa karagatan ng Zambales.

Sinabi ni Estrada na ang paulit-ulit na incursions at hindi otorisadong aktibidad sa ating teritoryo ay nagdudulot na ng pagdududa sa respeto ng China sa international law at sa soberanya ng Pilipinas.

Pinapurihan naman ni Estrada ang Philippine Coast Guard sa kanilang mabilis at epektibong tugon sa presensya ng CCG vessel na tinawag na The Monster. (CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

481

Related posts

Leave a Comment