MAKARAAN ang 13 taon, tuluyan nang nahulog sa kamay ng mga alagad ng batas ang tinaguriang Most Wanted sa bansa, sa isang operasyon sa Muntinlupa City.
Bitbit ang patung-patong na warrant of arrest, dinakip ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang suspek na kinilalang si Bobby Baliber na nasa unang pwesto ng mga most wanted sa buong bansa batay na rin sa ipinalabas na talaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay SPD Director General Jimili Macaraeg, sa dami ng kinakaharap na asunto ni Baliber, hindi nakapagtatakang may patong na gantimpala para sa impormanteng tumulong sa pagkakadakip nito, batay na rin sa DILG Memorandum Circular 2009-29 ay nagawa dahil sa tip ng isang impormante.
Pag-amin ni Macaraeg, malaking tulong sa pagkakadakip ni Baliber ang impormante na nagtimbre sa eksaktong lugar kung saan namataan ang suspek — sa bisinidad ng Buendia St., Brgy. Tunasan, Muntinlupa City.
Ito rin ang naging hudyat ng mga miyembro ng Warrant and Subpoena Unit na pinamumunuan ni Colonel Melecio Buslig na agad na palibutan ang nasabing lugar hanggang sa tuluyan na itong nadakip bandang 9:00 ng gabi ng Huwebes.
Patung-patong na kaso ng robbery, robbery with homicide, murder at carnapping ang kinakaharap ng suspek mula pa taong 2008.
“This is a clear message to criminals in hiding, we are determined to go after criminals who have been hiding and eluding arrest for years. We will find you,” sambit ni Macaraeg. (DAVE MEDINA)
144 