MOTORCYCLE RIDER, PATAY SA TRICYCLE

CAVITE – Patay ang isang 22-anyos na binata nang banggain ang minamanehong motorsiklo ng isang tricycle sa bayan ng Tanza sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Isinugod sa Divine Grace Medical Center ang biktimang si alyas “Lawrence” ng Brgy. Punta 1, Tanza, Cavite subalit hindi umabot nang buhay.

Hawak na ng pulisya ang driver ng isang itim na tricycle na Rusi Macho na may plakang 505XSB, na si alyas “Boni”.

Ayon kay Arava Avelzor Visitacion, punong tanod ng Brgy. Bucal, Tanza, habang sakay siya ng kanyang motorsiklo at kasunod ng minamanehong motorsiklong gray na Suzuki Raider ni alyas “Lawrence”, kapwa bumabaybay sa Barangay Road, Brgy. Bagtas, Tanza, nang mapansin niya ang minamanehong tricycle ni alyas “Boni” na mabilis ang takbo at pa-sway-sway mula sa kasalungat na direksyon.

Bigla umanong pumasok ang tricycle ni Boni sa linya ni Avelzor, ngunit agad niyang nailiko ang kanyang motorsiklo upang makaiwas sa banggaan. Gayunman, nabangga nito ang motorsiklo ni alyas “Lawrence”.

Bunga ng insidente, matinding napinsala sa katawan si Lawrence na dinala sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Samantala, sugatan din sa insidente si Boni na sa dinala sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital.

(SIGRED ADSUARA)

18

Related posts

Leave a Comment