ISINUSULONG ni Senador Robin Padilla ng panukala para maprotektahan ang mga Muslim at iba pang grupo laban sa anumang diskriminasyon.
Sa kanyang Senate Bill 233 o ang proposed Anti-Discrimination Law, iginiit ni Padilla na dapat protektahan ang karapatan ng lahat ng Pilipino at hindi dapat magkaroon ng puwang sa bansa ang diskriminasyon laban sa anumang lahi, relihiyon o pagiging dating bilanggo.
Alinsunod sa panukala, papatawan ng P100,000 multa at anim na taong pagkakulong ang sinumang mapapatunayang guilty sa diskriminasyon sa sinuman.
Saklaw ng panukala ang diskriminasyon sa eleksyon, trabaho, pag-aaral, pagsasanay, at pangangalakal.
Kasama rin sa acts of discrimination ang pagbabawal na makapasok sa pampublikong pasilidad o pagtitipon at pagsasagawa ng profiling.
Inaatasan din sa panukala ang lahat ng mga pampubliko at pribadong ahensya, paaralan at kumpanya ng Non-Discrimination and Equal Opportunity Committee na mag-iimbestiga sa mga paglabag. (DANG SAMSON-GARCIA)
