MURDER, RAPE SUSPECTS NATUNTON NG PNP-PRO5 SA CAVITE

WINAKASAN ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang 16 taong taong pagtatago ng isang puganteng rapist matapos na matunton ng PNP Bicol sa Cavite.

Habang isang pang murder suspect na nasa number 7 most wanted list ng Sorsogon City at pinaghahanap ng batas, ang nahuli rin noong Sabado ng mga operatiba sa Amadeo, Cavite

Ayon kay PNP-PRO5, Regional Director Jonnel C Estomo, isang joint law enforcement operation ang inilunsad ng mga tauhan ng PNP Bicol at Cavite PPO laban sa tinaguriang rank 6 municipal most wanted person ng Donsol MPS.

Natunton ang suspek na kinilalang si Charles Espiritu y Bitancur, 59, may asawa, tricycle driver, tubong Brgy. Sevilla, Donsol, Sorsogon, sa kanyang pinagtataguan sa Purification St., Brgy. Mabuhay, Carmona, Cavite noong Sabado ng umaga.

Si Espiritu ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng RTC Branch 51, Sorsogon City na may petsang Enero 31, 2015 para sa dalawang bilang ng rape na may kaugnayan rin sa paglabag sa RA 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Ayon sa ulat ng Donsol MPS, si Espiritu ang suspek sa pagmolestiya sa noon ay isang 16-anyos na dalagita noong Hunyo 21, 2004 sa Brgy. Sevilla, Donsol,  Sorsogon.

Matapos mabisto sa kanyang nagawa, nagpalipat-lipat ng taguan ang naturang akusado sa iba’t ibang panig ng Albay hanggang umabot ang pagtakas nito sa batas sa Carmona, Cavite kung saan ito nahuli ng mga operatiba.

Alas-diyes naman ng umaga nang masakote ang isa pang wanted sa kasong murder na si Antonio Gonzales y Arellano, 48, may asawa, driver, tubong Sipocot, Camarines, Sur at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Dagatan, Amadeo, Cavite kung saan ito tuluyang nadakip.

Ang akusado ang itinuturong  pumatay sa isang lalaking nagngangalang Wendel Mataverde noong Enero 11, 1998. Habang nasa kalagitnaan ng sayawan, walang habas umanong pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan ng suspek ang biktima gamit ang bolo na agad nitong ikinamatay.

“Marahil makakatakbo kayo ng panandalian sa ating batas ngunit pasasaan ba’t kayo ay malalambat pa rin ng kapulisan saan man kayo magtago. Ipinatupad natin ang 100% deployment ng ating mga tauhan upang magmatyag sa inyo kaya naman mas mainam kung ‘wag na kayong lumayo bagkus sumuko na lamang kayo at ‘wag nang pahirapan pa ang inyong mga sarili,” ayon kay P/BGen. Estomo.

(JESSE KABEL)

203

Related posts

Leave a Comment