MURDER, SERIOUS ILLEGAL DETENTION ISINAMPA VS ATONG ANG, IBA PA

SINAMPAHAN kahapon ng murder at serious illegal detention sa Department of Justice (DOJ) ang gambling tycoon na si Charlie Atong Ang at iba pang personalidad kaugnay sa mga nawawalang sabungero.

Kinumpirma ni Ryan Bautista, kapatid ng nawawalang si Michael Bautista, ang paghahain ng reklamo laban sa mga suspek.

Kasama ang mga umano’y iba pang saksi, dumating ang mga tauhan ng PNP-CIDG dala ang makapal na mga dokumentong inilagay sa folder na blue.

Dumating si PNP Chief Director General Nicolas Torre III pero tumanggi siyang magbigay ng anomang pahayag ukol sa mga nawawalang sabungero.

Kapag nagkataon, posibleng simulan ang preliminary investigation anomang araw simula ngayon sakaling masilip ng prosekusyon ang prima facie evidence sa kaso.

Dumating din sa DOJ ang whistleblower na si Julie Patidongan, alyas Totoy kasama ang kanyang mga kapatid at ilang kaanak.

Magpapasaklolo sa Japan

Walang DNA profile na nakuha mula sa mga buto ng nawawalang sabungero na narekober sa Lawa ng Taal, pero patuloy ang DOJ sa imbestigasyon at hihingi ng tulong sa Japan para sa pagsusuri.

Ayon kay Justice Asst. Secretary Atty. Mico Clavano, naiintindihan ng DOJ ang limitasyon sa sariling DNA testing kaya hihiling sila ng tulong sa gobyerno ng Japan.

Sinabi rin ni Clavano na sa kabila ng hamon, sisikapin ng gobyerno na matuklasan ang katotohanan at maihatid ang katarungan, lalo na’t special mention ito pagkatapos ng SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inanunsyo ng PNP na 91 bone fragments mula sa limang sako ang unang narekober noong Hulyo, at may dagdag pang natagpuan kamakailan.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, kontaminado na ang mga buto kaya hindi na makuha ang DNA profile.

Samantala, ibinahagi rin ni PNP Spokesperson Fajardo ang pagpupulong ng DOJ at CIDG at ang pagsusumite ng mga bagong ebidensya.

Matatandaan na nitong Huwebes ay inihayag ng PNP na hawak na nila ang dalawang kapatid ni Julie Patidongan na itinuturing na “missing link” sa pagresolba ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Nauna nang sinabi ni alyas Totoy na dinukot at pinatay bago itinapon sa Taal Lake sa Batangas ang mga nawawalang sabungero sa utos ng negosyanteng si Atong Ang.

Sinabi ni Fajardo, na inaasahan na maglalabas ang DOJ ng resolusyon pagkatapos na maisumite ang mga dokumento.

(JULIET PACOT/TOTO NABAJA)

134

Related posts

Leave a Comment