PUNA Ni JOEL AMONGO
SAMU’T SARING reaksyon mula sa mga tao ang ipinarating sa PUNA hinggil sa napanood nila sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” sa GMA-7 kamakailan kaugnay sa “Mystery Parcels”.
Partikular na nagparating ng kanilang reaksyon ay ang overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.
Ayon sa ilang OFWs, may mga padala silang hindi nakararating sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas dahil naglalaho ang mga ito.
Ganoon din ang reklamo ng mga nakatira sa Pilipinas na may kamag-anak sa abroad.
Kundi man buo na nawawala ang kanilang balikbayan box ay kulang na ang laman nito.
Nalalaman na lamang nila kapag nagkausap na ang nagpadala at ang pinadalhan ng balikbayan box.
Sa katunayan kamakailan lamang, isang OFW mula sa Kuwait ang nagreklamo sa PUNA na butas na raw ang kanyang ipinadalang balikbayan box sa kanyang kamag-anak sa Zambales.
Natuklasan na lamang niya na nawawala ang dalawang pares ng sapatos na kanyang inilagay sa balikbayan box nang magkausap sila ng kanyang pinadalhan dahil butas na ang karton na pinaglalagyan nito.
Batay naman sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” na napanood ng PUNA, ang binabanggit na “Mystery Parcel” ay nagmula umano sa inorder ng mga kustomer sa mga seller na hindi naideliber o hindi natuloy ang kanilang transakyon.
Inipon ang mga ito para dumami at saka nila ibinebenta sa murang halaga.
Hindi naman kumbinsido ang mga OFW at kanilang mga kamag-anak sa nasabing paliwanag.
Duda nila na ang tinatawag na “Mystery Parcel” ay nagmula sa balikbayan boxes ng OFWs.
Ayon sa mga OFW, matagal nang nangyayari ang maraming pagkawala ng kanilang balikbayan boxes kaya dapat isailalim sa masusing imbestigasyon ang nag-viral sa social media na “Mystery Parcels”.
Lalo na nang malaman ng mga OFW na tinatakpan ang pangalan sa “Mystery Parcels” kung kanino nanggaling at kung saan ito ipadadala.
May punto po ang sinasabi ng mga OFW at kanilang mga kamag-anak na madaling malaman kung hindi mula sa mga balikbayan box ang napupunta sa “Mystery Parcels” kapag nagkaroon ng imbestigasyon dahil makikita naman sa tinakpang pangalan ng padala.
Pinagduduhan na ang nasa likod ng “Mystery Parcels” ay sindikato na nambibiktima ng mga balikbayan box ng mga OFW.
Ayon pa sa kamag-anak ng OFW, nagsasakripisyo ang kanilang kaanak sa ibang bansa para mabigyan sila ng magandang buhay, ay nawawala pa ang kanilang pinaghirapan.
Hindi rin naman lahat ng mga nakabibili ng “Mystery Parcels” ay nakakukuha ng magandang item dahil ilan sa kanila ay nakakukuha rin ng mas mababa sa presyo ng kanilang binayaran sa seller nito.
Maraming naeengganyo na bumili ng “Mystery Parcels” dahil kadalasan umano ay mas malaki ang presyo ng item na kanilang nakukuha kumpara sa kanilang binayaran.
Lumabas na ang bagsakan ng truck-truck na “Mystery Parcels” ay isang lugar sa Quezon City.
“Batu-bato sa Langit ang Tamaan, ‘Wag Magagalit”. Trabaho Lang, Walang Personalan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
265 