Nabuking ng PNP-PRO5 2 PRESO SA SORSOGON LABAS-MASOK SA SELDA

NABULGAR na may dalawang “Person Under Police Custody” ang nakalalabas at malayang nakikisalamuha sa mga tao, matapos silang madakip ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Matnog, Sorsogon

Bunsod nito, agad na nagbaba ng kautusan ang hepe ng Police Regional Office 5, na si P/BGen. Jonnel C. Estomo upang imbestigahan at tutukan ang umano’y malayang pamamalagi at pakikisalamuha sa publiko ng dalawang “Person Under Police Custody” (PUPC).

Ayon sa report mula sa Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group, inaresto ang dalawang PUPC sa isinagawang entrapment operation nang mamataan ang mga ito habang sakay ng motorsiklo sa public market ng nasabing lugar.

Ang dalawa ay kinilalang sina JR G. Geneblazo, nakatira sa Camachiles, Matnog, Sorsogon at may kinahaharap na kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, at Pedro F. Garote, residente ng Sta. Isabel, Matnog, Sorsogon, may kasong rape.

“We have laws and rules to be followed in handling PUPC, kaya naman akin nang ipinag-utos na tingnang mabuti at alamin ang naging pagkukulang ng mga kapulisan na nakatalaga sa Matnog MPS,” ayon kay RD Estomo.

Sa mga nagdaang buwan, ang PNP-PRO5 ay naging masigasig sa implementasyon ng batas at sa paghuli sa wanted persons na may mga nagawang paglabag. Ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ang naging prayoridad ng kapulisan kasabay ng pagpapanatili ng kaayusan sa buong rehiyon.

“We have been working hard to deliver what is expected from us.

We have also infused and constantly reminded our people to perform their duty with discipline and utmost professionalism.

At kung mayroon pa ring pulis sa aming hanay na patuloy ang pagkakasangkot sa kahit na anong iregularidad at ilegal na gawain ay hindi namin pahihintulutan at kukunsintihin,” dagdag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)

385

Related posts

Leave a Comment