Nag-away sa Facebook post: TITSER PATAY SA SAKSAK NI MISTER

RIZAL – Nalagutan ng hininga ang isang 34-anyos na guro makaraang saksakin ng kanyang mister habang mainitang nagtatalo dahil sa isang Facebook post.

Kinilala ang biktimang si Mary Ann Manzanillo, residente ng Proper 3, Brgy. Mascap, Rodriguez, Rizal.

Ayon sa report ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-7:10 ng umaga noong Miyerkoles habang nag-aalmusal ang mag-asawa sa kanilang bahay.

Nagsimula umano ang kaguluhan nang magkasagutan ang mag-asawa dahil sa isang Facebook post.

Hindi naman nabanggit sa ulat ng pulisya kung tungkol saan ang sinasabing Facebook post na pinagtalunan ng mag-asawa.

Sa kasagsagan ng pagtatalo, binuhusan muna ng kape ng lalaki ang misis bago kumuha ng kutsilyo at ilang ulit na inundayan ng saksak ang biktima.

Matapos ang pananaksak, tumakas ang suspek na si alyas “Herson”, 37, isang barbero, pero kalaunan ay sumuko sa himpilan ng pulisya sa Rodriguez, Rizal.

Isinugod naman ang biktima sa San Mateo Medical Center ngunit nalagutan ng hininga.

Nakadetine na ang suspek at inihahanda ang kasong parricide na isasampa laban dito. (NILOU DEL CARMEN)

45

Related posts

Leave a Comment