NADISKUBRENG walang buhay ang isang 42-anyos na seaman sa loob ng tinuluyan nitong Rothman Hotel sa Adriatico St., Malate, Manila.
Ayon sa ulat, nakatakda na sanang sumakay ng barko ang biktimang kinilalang si Danny Tolorio, tubong Zamboanga, Sibugay at pansamantalang nanunuluyan sa Rm. 307 ng Rothman Hotel sa #1633 Adriatico St. sa Malate.
Batay sa ulat ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District- Homicide Section, bandang hapon noong Miyerkoles nang madiskubreng patay na ang biktima.
Nauna rito, nag-check-in umano ang biktima sa hotel noong Mayo 3 para sa kanyang quarantine bago sumakay ng barko nitong Mayo 11, ngunit nagtaka ang hotel staff na si Hally Adon kung bakit hindi nito ginalaw ang almusal at tanghalian.
Ini-report ito ni Adon sa security guard na si Alberto Labante na agad kinuha ang duplicate key at binuksan ang pinto kasama si Janeth Sison, kinatawan ng Fare Shipping Agency, at manager ng hotel, ngunit nadiskubreng wala nang buhay ang biktima.
Kaagad naman nai-video call ang asawa ng biktima para ipaalam ang nangyari sa kanyang mister.
Pansamantalang inilagak ang bangkay sa Cruz Funeral morgue para sa awtopsiya upang matukoy ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima. (RENE CRISOSTOMO)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)