(SAKSI NGAYON)
NANAWAGAN si dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez sa publiko na maging mapagmatyag at bantayan ang kalayaan sa gitna ng mga aksyon ng pamahalaan.
Sa maikling Tiktok video, binanggit ni Rodriguez ang usap-usapan sa posibleng pagbabalik ng martial law base na rin sa reaksyon ng nakararami sa biglaang reorganisasyon sa National Security Council (NSC) bago nagtapos ang taong 2024.
“Atin pong bantayan ang ating demokrasya, atin pong bantayan ang ating kalayaan. Let us help each other to protect and defend our constitution. Huwag na nating hayaang bumalik ang madilim na bahagi ng ating kasaysayan dala ng Proclamation No. 1081, ‘yung tinatawag na deklarasyon ng Martial law ngayon naman ang Executive Order 81 kung saan nare-organisa ang National Security Council,” saad ni Rodriguez.
Depensa Ng Palasyo
Tila tugon naman dito ang inilabas ng Malakanyang na pinaninindigan nitong wala isa man sa Batas Militar at term extension ang bahagi ng agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nauna rito, ipinalabas ni Pangulong Marcos ang Executive Order 81 na muling nag-organisa sa NSC.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nakatuon ang administrasyong Marcos sa pagsusulong ng ‘economic prosperity ng bansa, gawing maayos ang kalusugan at kapakanan ng mamamayang Pilipino at kumpletuhin ang kanyang ‘legacy projects.’
Nauna nang tiniyak ni NSC spokesperson Jonathan Malaya (NSC) na ang muling pagsasaayos sa council ay hindi indikasyon ng anomang labanan sa sektor ng seguridad sa bansa.
“Wala pong rift sa security sector. Ang atin pong mga unipormadong sundalo, personnel ng ating pamahalaan, ay 100 percent behind the constituted authority and the chain of command,” ang sinabi ni Malaya sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing.
Noong Linggo, sinabi ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ireorganisa ang NSC, dahilan ng pagkakatanggal ni Vice President Sara Duterte at mga nakalipas na Pangulo ng bansa kabilang si dating pangulong Rodrigo Duterte bilang mga miyembro ay maaaring bunsod ng “lumalawak na alitan ng paksyong Marcos at Duterte. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
236
