CAVITE – Sa kamatayan nauwi ang pagpapahangin sa labas ng isang 48-anyos na negosyanteng ginang nang tamaan ng ligaw na bala mula sa dalawang grupo ng gang na nagka-engkwentro sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng gabi.
Isinugod pa sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang biktimang si Rebecca Fuentes y Balancar, taga Dasmariñas City ngunit idineklarang dead on arrival.
Itinuro namang mga suspek sina Kevin Arguelles Acsaba, alyas Onyok at alyas Gerald, kapwa ng Brgy. Paliparan 3 ng nasabi ring lungsod.
Ayon sa ulat ni P/MSgt. Elmo Caboboy ng Dasmariñas City Police, dakong alas-9:00 ng gabi nang mangyari ang insidente.
Lumabas umano ng kanilang bahay ang ginang upang magpahangin nang dumating ang dalawang grupo ng gang na pawang armado ng baril.
Nagkaroon ng palitan ng putok ang dalawang grupo at tinamaan ng ligaw na bala ang biktima.
Nang mapansin ng dalawang grupo na tinamaan ang biktima ay nagpulasan ang mga ito patungo sa direksyon ng Phase 4.
Isinugod naman sa ospital ang biktima ngunit hindi umabot nang buhay.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ng pulisya laban sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
