UMABOT sa 13 construction workers ang nadakip sa ikinasang anti-narcotics operation ng Philippine Army Intelligence Team, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa construction site sa loob ng Headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Metro Manila na sinasabing ginawa ring drug den ng mga obrero.
Ilang heat sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000, ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad.
Katuwiran ng nahuling construction workers, nag-aambag-ambagan lamang sila para makabili ng shabu para mapanatiling alerto sila at aktibo sa kanilang trabaho.
Nabatid mula kay Philippine Army spokesman, Col. Xerxes Trinidad, isinagawa ang pinagsanib na drug sting matapos ang halos isang buwang surveillance.
Isang tauhan ng PDEA ang umaktong poseur buyer na nakabili ng droga sa mga suspek sa sinasabing drug den sa loob ng construction site.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
“As one of the organizations that help keep the peace and order in our society, the Philippine Army will always be one with the national government in its campaign to eliminate the scourge of illegal drugs. ”The Philippine Army does not condone illegal activities in its camps which are drug-free zones,” ayon sa pamunuan ng Hukbong Katihan. (JESSE KABEL)
