MASBATE – Bagsak sa kulungan ang isang lalaking nagwawala at ipinagyayabang ang kanyang baril, nang damputin ng mga tauhan ng PNP-Regional Police Office 5 na nasa pamumuno ni P/Brig. General Jonnel C. Estomo, noong Huwebes ng umaga sa Sitio Barayong, Brgy. Poblacion, sa munisipalidad ng Baleno sa lalawigang ito.
Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Maria Luisa Calubaquib, swak sa kalaboso ang suspek na kinilalang si Ramil Bajar y Luvedesis, 44-anyos, walang trabaho at residente ng nasabing lugar.
Ito ay resulta ng alistong pagresponde ng mga tauhan ng Baleno MPS sa sumbong ng isang concerned citizen patungkol sa suspek na hayagang inilabas ang kanyang baril habang nasa inuman.
Sa takot ng mga residente, minabuti ng isa sa mga ito na sumangguni sa himpilan ng pulisya at ipinagbigay alam ang naturang impormasyon.
Agad naming pinuntahan ng mga operatiba ang nabanggit na lugar at doon ay napatotohanan ang natanggap na ulat. Habang papalapit ang mga pulis ay agad napansin ng mga ito ang baril na nakasukbit sa baywang ng suspek,
Nang usisain ang detalye patungkol sa baril na nasa kanyang pangangalaga, nabigo ang suspek na magpresenta ng mga dokumento.
Nakuha sa pangangalaga ni Bajar ang isang kalibre .45 kulay silver gray na pistola, 1911 model na may serial number na 821274, may isang magasin at loaded ng anim na bala.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Binigyan ng pagpupugay ni P/BGen. Estomo ang alisto at maagap na pagresponde ng mga pulis na naging dahilan ng pagkakaaresto sa suspek at napigilan ang posibleng krimen na maaaring paggamitan nito. (JESSE KABEL)
