KUNG may ahensiyang karapat-dapat pamarisan ng iba pang tanggapan ng pamahalaan, ito ay ang NAIA Port ng Bureau of Customs (BOC), tahasang pahayag ni Anti Red Tape Authority (ARTA) director general Jeremiah Belgica sa ginanap na virtual forum kamakailan.
Ani Belgica, lubha siyang namangha sa mga repormang pinaiiral ni Port of NAIA district collector Carmelita Talusan kaugnay ng programa ng gobyerno kontra red-tape, kasabay ng pasasalamat sa dedikasyon ng mga kawaning agresibong nagsusulong ng reporma sa ahensyang dating lugmok sa katiwalian.
Partikular na pinaksa ni Belgica sa kanyang keynote speech ang mga pamamaraan kung paano iwaksi ng mga tanggapan ng pamahalaan ang red tape na dahilan ng pagbagal ng proseso ng operasyon nito.
Aniya, huwaran ang mga kawani ng Port of NAIA bunsod ng pagtalima nito sa mga mga adhikaing nakapaloob sa Philippine Good Regulatory Principles (PGRP) at Whole-Of-Government (WOG) Reengineering Manual ng ARTA.
Pinuri rin ni Belgica ang mga pagbabago sa Systems Digitization ng BOC sa pangunahing paliparan ng bansa. Aniya, malaking bentahe ang QR ticketing para sa mga dokumento, maging ang NAIA Digital Sticker.
Gayundin ang paghanga ng nasabing opisyal sa feedback mechanism, 24/7 One-Stop-Shop para pabilisin ang release ng mga COVID-related shipments tulad ng bakuna, testing kits at mga personal protective equipment para sa mga medical frontliners
Bahagi rin ng nasabing virtual forum ang pagbabahagi ng kaalaman nina Atty. Alma Alexandra Martirez, ng Legal Division, Legal & Public Assistance Office for the Overview of Salient Features of RA 11032, at Atty. Marco Balleser para naman sa Guidelines on the Designation of a Committee on Anti-Red Tape.
“We thank BOC for the fervent commitment in providing better public service. I hope that all government offices are like your collection district and your team. We salute the BOC-NAIA team for leading the change and would be very proud to share to the public the initiatives that you are doing,” ani Belgica.
Matapos ang pagbabahagi ng kaalaman ng mga resource persons, tinalakay rin ng BOC-Port of NAIA at ARTA ang anti-red tape campaign at pagpapabilis ng proseso ng mga dokumento sa nasabing pwerto. (JO CALIM)
