CAVITE – Nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 34-anyos na construction worker makaraang tagain ng isang hardinero nang magtalo dahil sa nakabubulahaw umanong ingay ng mga nag-iinuman sa bayan ng Alfonso sa lalawigan noong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Jonnei Dicon, residente ng Brgy. Buck Estate, Alfonso, Cavite.
Arestado naman ang suspek na si alyas “Felix”, 44, kapitbahay ng biktima.
Ayon sa ulat, nag-iinuman umano ang biktima at ilang kaibigan nito sa tindahan ng dating live-in partner ng suspek sa Brgy. Buck Estate, nang sitahin ng huli dahil sa nakabubulahaw umanong ingay ng mga ito.
Hindi naman nagustuhan ng biktima ang paninita ng suspek na humantong sa mainitang pagtatalo.
Bunsod ng matinding galit, tinaga umano ng suspek ang biktima sa sentido, kaliwang tenga at bahaging likuran ng ulo.
Isinugod ang biktima sa ospital habang naaresto naman ang suspek. (SIGFRED ADSURA)
