PINAY RECRUITER SA DUBAI, PANAGUTIN SA ILLEGAL RECRUITMENT NG 30 FILIPINO SA RUSSIA – ERWIN TULFO

PINANANAGOT ni Sen. Erwin Tulfo ang isang Filipina recruiter na nakabase sa Dubai, United Arab Emirates (UAE), sa umano’y ilegal na pagrerecruit sa 30 Pilipinong manggagawa na nauwi sa sapilitang pagsasanay-militar sa Russia para lumaban sa giyera kontra Ukraine.

Ayon kay Tulfo, vice chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, dapat habulin at papanagutin ang recruiter dahil inilagay umano nito sa panganib ang buhay ng mga Pilipino kapalit ng malaking kita.

“Dapat habulin itong illegal recruiter na ito at panagutin sa kanyang panloloko sa kapwa Pilipino,” ani Tulfo.

Sinabi ng senador na mga OFW sa Dubai ang mga biktima nang alukin sila ng Filipina recruiter ng mas mataas na sahod kapalit ng trabaho sa Russia.

Ayon sa impormasyon na nakarating kay Tulfo, ipinangako sa mga manggagawa na ang kanilang magiging trabaho ay paggawa ng mga kampo ng sundalo, paglilinis ng mga bunker at iba pang manual labor.

Kapalit nito, aalukin umano sila ng buwanang sahod na $3,500 at sign-in bonus na P150,000.

Gayunman, batay sa salaysay ng mga pamilya ng mga OFW, sa halip na ang ipinangakong trabaho ay isinailalim umano agad sa military training ang kanilang mga mahal sa buhay upang ipadala sa Ukraine at lumahok sa labanan.

Dahil dito, nanawagan sa pamamagitan ng social media ang mga Pilipino sa Russia na tulungan silang makauwi sa bansa.

Hiniling ni Tulfo na maiuwi sa Pilipinas ang recruiter at sampahan ng kaukulang kaso upang managot sa umano’y panloloko at pagsasapanganib sa buhay ng mga manggagawa.

Samantala, iniulat ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro kay Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na nakatakda siyang makipagpulong kay Russian Ambassador to the Philippines Marat Ignatyevich Pavlov sa Lunes upang hilingin ang pagpapauwi sa mga OFW.

Sinabi rin ni Tulfo na mahigpit na minomonitor ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sitwasyon ng mga Pilipino at nais nitong mailabas sila sa lugar na kinaroroonan nila.

41

Related posts

Leave a Comment