TINULIGSA ng Department of National Defense (DND) ang pahayag ng China laban sa pagbibigay ng Japan ng mga kagamitang pangseguridad sa Pilipinas, iginiit na karapatan ng bansa na pumili ng mga katuwang sa pagpapalakas ng sariling depensa.
Ayon kay DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio R. Andolong, malinaw na isang malayang estado ang Pilipinas at tanging ang bansa lamang ang may karapatang magpasya kung sino ang mga katuwang nito sa usaping pangseguridad.
Binigyang-diin niya na hindi dapat makialam ang ibang bansa sa mga desisyon ng Pilipinas hinggil sa pagpapalakas ng kakayahan nitong ipagtanggol ang sarili.
Sinabi rin ni Andolong na ang mga lumalabag lamang sa mga karapatan ng Pilipinas sa karagatan ang may dahilan upang matakot sa mga kagamitang pangseguridad na ipinagkaloob ng Japan.
Giit pa niya, ang matinding pagtutol ng China sa mga kagamitang pangmasid ay nagpapakita umano ng pag-amin nito sa mga maling gawain sa karagatan.
Tinuligsa rin ng opisyal ang paggiit ng Beijing na dapat igalang ang soberanya, karapatan at interes-pandagat nito sa kabila ng kawalan umano ng legal na batayan ng nine-dash line claim nito sa ilalim ng pandaigdigang batas.
Ayon kay Andolong, hindi maaaring sabihing nais ng China ang mapayapang pag-uusap habang patuloy umanong gumagamit ng water cannon, bumabangga sa mga barko ng Pilipinas at nananakit ng mga tauhan nito sa karagatang saklaw ng karapatan ng bansa.
Binigyang-diin ng DND na kung tunay na hangad ng China ang kapayapaan sa South China Sea, dapat nitong itigil ang mga mapanupil na pagkilos, igalang ang 2016 Arbitral Award at sumunod sa pandaigdigang batas, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
(JESSE RUIZ)
40 