NAKALILITO O NANLILITO?

ANO ba talaga ang laro ng PDP-Laban Cusi wing at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte? Naitanong ko ‘yan mga lodi kasi ‘di ba naman umayaw na ang Pangulo na tumakbo bilang bise-presidente sa 2022 national at local elections dahil nais daw niyang magpahinga na sa pulitika?

Tama naman, mga lodi, ilang taon na ba kasi si Lolo Digong. Tama rin lang na ilaan na lang niya ang kanyang oras at panahon sa kanyang pamilya. Mabalik tayo, mga lodi, ‘di ba nga… sa pag-atras ng ­Pangulo na tumakbo bilang bise presidente ay nagkaroon ng tsansa si Senador Bong Go na tumakbo bilang VP. Ito ­ngayon ang siste, mga lodi, hinihikayat naman ng ruling party PDP-Laban si Lolo Digong na tumakbo sa pagka-senador. Ano ba talaga ang laro ng mga ito… manlito ng tao? Ang gandang estratehiya ng naisip nila. Catchy! Palakpakan!!! I’m sure, mga lodi, kahit ‘yong mga kapwa nila kandidato… hilong-talilong din sa estratehiyang ito.

oOo

PARANG nakawala sa hawla ang mga bagets nitong nakaraang linggo. Biglang dagsa sa malls ang mga chikiting. Tuwang-tuwa. Salamat sa Alert Level 2 na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF). Sabi nga ni Aling Mosang, parang reunion ang nangyari sa mga chikiting at kina McDo at Jollibee. Sabi naman ni Aling Maritess, dobleng ­ingat pa rin mga momshie at dadshie sa pagbitbit sa mga anak n’yo sa malls, amusement parks, o sa matataong lugar. Huwag pakampante, mga lodi… nakatambay lang si COVID variant… naghi­hintay ng mabibiktima.

Basta ang bulong sa akin ng mga Mosang natin, mga lodi… nabuhay ang mga mall sa paglabas ng mga chikiting. Oopsss… teka, naisip ko lang, paano nga pala ‘yong mga batang ­hamog? Ang batang hamog, mga lodi, ay ang tawag sa mga bata na natutulog sa lansangan. Walang tirahan, walang sapat na pagkain at walang tamang edukasyon. Pwede na rin ba silang makita ulit sa lansangan? Makitang nangangatok sa mga bintana ng sasakyan lalo na’t malapit na ang Pasko. Ano nga pala ang plano ng ­gobyerno sa kanila? Magiging ­visible na naman ba sila sa ­lansangan? Iyong mga nanay na bitbit ang kanilang anak para lang mamalimos? ‘Yung mga batang aakyat at uupo sa estribo at kakanta ng “Ang Pasko ay sumapit” na kahit hindi alam ang lyrics, mga lodi, at palakpak lang ang gamit na effects sa pagkanta… makapamalimos lang. O baka naman puwede nilang gawin ang ­nakasanayan nilang pamamalimos pero kailangan susunod sa health protocol na mask, iwas-COVID… malabo naman ang hugas at bakuna? Hindi naman sila puwedeng isantabi lang kasi bahagi sila ng lipunan. Hayyy… kailangan ko ulit pakinabangan sina Aling Mosang at Maritess dito. Wait lang, mga lodi… abangan ang susunod na kabanata.

oOo

Pahabol lang, mga lodi, open na ulit ang sementeryo, memorial parks, libingan, kasama na ang ­columbarium na isinara from October 29 hanggang November 2, 2021. Ito na ang ikalawang sunod na taon, mga lodi, na hindi ulit pinayagan ng ­gobyerno ang publiko na makabisita sa mga yumaong mahal sa buhay. Ang katuwiran nila eh dahil daw sa pagpapatuloy ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas. Tama naman. Nag-iingat lang. Pero ngayon na puwede na ulit makapunta sa mga nasabing lugar… mga lodi, bisitahin na natin ang mga namayapa ­nating mahal sa buhay. Magtirik ng kandila, magdala kahit isang pirasong bulaklak at magdasal. ­Huwag n’yo nang hintayin, mga lodi, na kayo ang bisitahin ng mga mahal n’yo sa buhay, nakakatakot kaya ‘yon. ­hehehe…
(Si Christian Dale ang correspondent ng SAKSI Ngayon na nakatutok sa Palasyo ng Malacañang)

196

Related posts

Leave a Comment