LAGUNA – Kasong homicide ang kahaharapin ng dalawang barangay tanod na nambugbog kamakailan sa isang curfew violator na humantong sa pagkamatay nito.
Sinabi ni Philippine National Police spokesperson, Police Brigadier General Ildebrandi Usana, personal na maghahain ng reklamo si Calamba City Police chief, Lt. Col. Jonathan Villamor laban sa mga suspek.
Matatandaan, noong Abril 7 dakong alas-10:30 ng gabi nang mahuli ng mga barangay tanod dahil sa paglabag sa curfew ang biktimang si Ernanie Jimenez na bibili umano ng pagkain.
Nagtangka umanong tumakbo ng biktima ngunit hinabol ito at binugbog ng mga suspek na sina Arjay Bahan Abierta at Joel Oriel Ortiz.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Glendien, hinanap nila si Ernanie dahil hindi agad ito nakabalik sa kanilang bahay.
Ngunit nakita na lamang nila ito na nakasalampak malapit sa barangay hall at sugatan.
Agad nilang dinala ito sa pinakamalapit na pagamutan at doon napag-alaman na nagkaroon ng matinding fracture sa kanyang bungo. Nalagutan ng hininga ang biktima noong Abril 9.
Mariin namang itinatanggi ng mga suspek ang akusasyon sa kanila.
Kaugnay nito, naglabas ng kautusan si Philippine National Police chief, General Debold Sinas na hindi na dapat arestuhin at kasuhan ang mga lumalabag sa ipinaiiral na curfew ng community quarantine sa bansa.
Ayon kay Usana, hindi inoobliga ang mga pulis na ipakulong at kasuhan ang quarantine violators.
Kung mayroon mang nahuli ang mga barangay o local government authorities, dapat umanong pakawalan agad ang mga ito. (CYRILL QUILO)
