BATANGAS – Nalunod ang isang binatang promodizer matapos na tangayin ng malalaking alon nang mapagkatuwang mangisda sa tabing dagat sa bayan ng Lian sa lalawigang ito, noong Sabado ng hapon.
Batay sa report ng Lian Police, kasama ang dalawang pinsan, naglalambat ng isda ang biktimang si John Errico, 28, sa dalampasigan sa kanilang lugar sa Barangay Binubusan bandang alas-4:30 ng hapon.
Ngunit dahil sa malalaking alon dulot ng habagat, natangay papunta sa gitna ang binata nang humampas ang isang malaking alon.
Tuluyan itong nadala patungo sa gitna at sa malalim na bahagi ng dagat at nalunod.
Sinagip ng kanyang mga pinsan ang biktima at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor. (NILOU DEL CARMEN)
