NAPABAYAAN NG GOBYERNO

DPA

ISA sa malapit sa puso ko ay ang pagsasaka dahil nagkaisip ako sa probinsya (sasabihin ko sana lumaki pero hindi naman ako masyadong lumaki) kung saan ang pangunahing hanapbuhay ay nasa bukid.

Mula nang magkaisip ako, wala akong nakitang magsasaka na umasenso maliban lang doon sa mga may malalawak na sakahan kaya maraming kabataan o halos lahat na ng kabataan ngayon ay walang planong sundan ang kanilang magulang sa pagsasaka.

Hindi ko masisisi ang mga kabataan kung aayawan nila ang bukid dahil nakikita nila ang hirap sa pagsasaka at pagkatapos ng tatlo at hanggang apat na buwan ay wala namang kinikita ang kanilang mga magulang.

Kulang na kulang ang kita ng kanilang magulang sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan kaya karamihan sa mga anak ng mga magsasaka ay nagsisikap na makatapos ng pag-aaral para makahanap ng mas magaan na trabaho at malaki-laking sweldo kumpara sa kinikita ng kanilang mga magulang sa bukid.

Sa katunayan, karaniwan mo nang maririnig ang mga magsasaka mismo na nagpapayo sa kanilang mga anak na ‘mag-aral mabuti dahil kung hindi sila makatapos ay sa bukid ang bagsak nila’.

Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit patanda na nang patanda ang mga magsasaka at walang pumapalit sa kanila dahil napabayaan sila ng gobyerno sa matagal na panahon.

Lalong nalugmok ang mga magsasaka nang maging batas ang Rice Tarif­fication and Liberalization Law dahil ‘yung kita dapat ng mga magsasaka ay nabawasan pa nang bumagsak ang presyo ng palay dahil sa nasabing batas.

Bago naipatupad ang nasabing batas, P21 hanggang P22 ang bentahan ng palay na hindi pa naibibilad pero ngayon, P10 hanggang P14 na lamang ang halaga nito kaya ‘yung ina­asahang kita ay naglaho pa.

Malayung-malayo ang sitwasyon ng mga magsasaka sa Pilipinas sa mga magsasaka sa ibang bansa kaya masyadong mababa ang tingin ng mga tao sa mga bumubuhay sa atin dahil sa kanilang kalagayan.

Sa ibang bansa, kapag sinabing magsasaka, inaasikaso agad ang mga iyan pagpasok nila sa mall dahil alam ng mga tao na mapepera sila pero dito sa ating bansa, kapag pumasok ang isang magsasaka sa isang establisimiyento, hindi sila pinapansin.

Hindi rin natupad ang pangako ng mga gumawa ng batas na ito na bababa ang presyo ng bigas at makikinabang ang consumers dahil wala nang limitasyon ang rice importation dahil nananatiling mataas pa rin ang presyo nito kahit aabot sa 3.1 million metric tons ang maaangkat bago matapos ang taong ito.

Nakalulungkot lang na naturingan tayong agricultural country pero kulang na kulang ang supply natin sa bigas kaya kailangan pa nating umangkat ng bigas sa ibang bansa para mapunan ang kakulangan sa ­ating pangangailangan dahil pinabayaan ng gobyerno ang sektor na ito. (DPA / BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment