NAPC ‘AHAS’ NG DUTERTE ADMIN

MISTULANG may lumabas na ‘ahas’ sa administrasyong Duterte nang batikusin ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang National Telecommunications Commission (NTC) hinggil sa inilabas nitong “cease and desist order” (CDO) laban sa ABS-CBN Broadcasting Corporation nitong Mayo 5.

Idiniin ng komisyon sa press statement nito na inilabas nitong Mayo 5 ang panawagan ng NAPC-Formal Labor and Migrant Workers Sector (NAPC-FLMWS) na “stand for the rights of the ABS-CBN workers amidst the order to cease and desist to operate and the double burden they face because of the crisis of COVID-19.”

Nangangahulugang tahasang tumututol ang NAPC sa pagpapatigil ng NTC sa operasyon ng mga telebisyon at radyo ng ABS-CBN sa iba’t ibang rehiyon ng bansa dahil nawalan ng trabaho ang mga manggagawa ng Kapamilya Network.

Ang NAPC ay bahagi ng pamahalaan kung saan ang mga pangunahing opisyal nito sa pangunguna ni Atty. Noel Felongco ay pawang “appointees” ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pagbira ng NAPC sa NTC ay kaparehas sa mga tirada nina Bise-Presidente Ma. Leonora “Leni” Robredo at House Speaker Alan Peter Cayetano laban sa nasabing ahensiya.

Kamakailan, hindi lamang sinisisi ni Cayetano ang NTC kundi pinagbantaang mananagot ang mga opisyal nito at si Solicitor General Jose Calida.

Sabi ng pinuno ng Kamara de Representantes, si Calida ang sinunod ng NTC sa paghain nito ng CDO laban sa ABS-CBN.

Ilang ulit nang binabanggit ng ABS-CBN sa media na mahigit 11,000 ang mga taong nagtatrabaho sa kanilang kumpanya.

Ganito rin ang binanggit ng isang opisyal ng ABS-CBN sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe.

Ngunit, lumabas din sa parehong pagdinig ang pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagsasabing wala pa sa 4,000 ang kabuuang empleyado ng ABS-CBN batay sa nakarehistro sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Inilabas ng NTC ang CDO isang araw matapos mag-expire ang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN nitong Mayo 4.

Ang prangkisa ay ipinasa ng Kongreso noong Marso 30, 1995 kung saan nagsimula ang “effectivity” nito noong Mayo 4, 1995 matapos malathala sa dalawang pahayagang buong bansa ang sirkulasyon.

Kung walang prangkisa, hindi papayagan ng NTC na magpatuloy ang operasyon ng mga telebisyon at radyo (DZMM) ng ABS-CBN dahil labag ito sa batas, tugon ng NTC.

Mayroon ding umiiral na “jurisprudence” ang Pilipnas kung saan iginiit at ipinaliwanag ng Korte Suprema noong Pebrero 2003 na hindi maaaring magpatuloy ng operasyon ang anomang media company nang walang prangkisa.

Tanging Kongreso ang mayroong kapangyarihang magbigay nito.

Magsisimula ito sa mababang kapulungan ng Kongreso at kung nagpasa na ito ng prangkisa ay ipadadala ito sa Senado upang aprubrahan o gumawa ito ng hiwalay na batas ukol sa nasabing prangkisa.

Ang huling bagsak ng batas sa prangkisa ay ang Office of the President (OP), alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas.

Ayon sa maraming kongresista at senador, kabilang na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na hindi dapat parusahan o batikusin ang NTC, sapagkat ginawa lamang nito ang kanyang trabaho, tungkulin at obligasyon.

Ayon kay NAPC FLMWS Council Member Dan Laserna, “The sudden issuance of the cease and desist order by the National Telecommunications Commission is unjust and insensitive to the current plight of the workers.”

Iginiit ito ng NAPC, samantalang ang DOLE na siyang totoong may toka sa kalagayan ng mga manggagawa ay hindi kinontra at hindi rin binira ang NTC.

Sa halip, nangako si Bello na tutulungan ng DOLE ang mga manggagawa ng ABS-CBN. NELSON S. BADILLA

200

Related posts

Leave a Comment